“NAPAPANAHON nang magpasa tayo ng panukala na magtatatag at magpapatibay sa mga partido pulitikal bilang mga haligi ng demokratikong sistema ng bansa,” sinabi ni Senate President Franklin Drilon nang ihain niya ang Senate Bill 226, ang Political Party System Act.
Sa totoo lang, kailangan natin ang kaparehong panukala maraming taon na ang nakalilipas. Tinuldukan ng batas militar ang ating two-party system noong 1972. Nang maibalik ang halalan noong 1986, nakasanayan na ang sistema na dinadagsa ng mga pulitiko ang bawat bagong administrasyon. Lumahok ang mga kasapi ng Kongreso sa partido pulitikal ng bagong pangulo, sinabing kailangan nila—para sa kani-kanilang constituents, lagi nilang binibigyang-diin—ang mga benepisyong kaakibat ng posisyong lehislatibo na itinatalaga sa mayoryang partido.
Nagbunsod ito sa pamamayagpag ng iisang partido sa iba’t ibang administrasyon—ang Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) ni Pangulong Corazon Aquino, ang Lakas-CMD ni Pangulong Fidel Ramos, ang Pwersa ng Masang Pilipino ni Pangulong Joseph Estrada, at ang Lakas-Kampi ni Pangulong Gloria Arroyo. Hindi na maalala ang mga ito sa ngayon, dahil nakipag-alyansa na ang mga ito sa iba pang mga partido o kaya naman ay hindi na aktibo. Posibleng ganito rin ang kasasapitan ng Liberal Party ni Pangulong Benigno S. Aquino III.
Sa nakalipas na anim na taon, ang LP ang PARTIDO. Hanggang sa mahalal si Pangulong Duterte at nagsimula nang magsilipat ang mga miyembro ng partido. Nasaksihan ni Senate President Drilon ang paglilipatan ng mga miyembro ng kanyang partido sa PDP-Laban ni Duterte. Mismong siya ay sumapi sa Senate LPs sa isang mayoryang koalisyon sa PDP-Laban. Ang isang koalisyon ay masasabi lang na hindi tuwirang pag-anib sa mayoryang partido, pero hindi rin naman nalalayo. Huwag nating asahan ang uri ng independent assessment sa mga panukala na gaya ng ginagawa ng isang tunay na partido ng oposisyon sa isang totoong sistema ng partido. Wala na rin tayong aasahang sariling pagbusisi sa mga polisiya at mga programa ng gobyerno.
Sinabi ni Senate President Drilon na layunin ng kanyang panukala na isulong ang katapatan sa partido, disiplina, at paninindigan sa mga ideyolohiya, plataporma at programa. Maraming pulitiko ang nagpapalit ng partido para sa pansariling pakinabang, aniya, kaysa paninindigan, at nagpapakita ng kawalan ng sariling ideyolohiya.
Parurusahan ng panukala ang mga naglilipat-partido sa pagbabawal sa kanila na kumandidato sa alinmang puwesto sa susunod na halalan. Hihilingin din sa kanila na isauli ang lahat ng nagastos sa kanila ng partido, na papatungan pa ng 25 porsiyentong surcharge.
Sasalang ang panukala sa unang pagsusuri sa Kamara at Senado sa pagbubukas ng sesyon sa Hulyo 25. Maaari itong maharap sa pagkontrang gaya ng ginawa sa Anti-Political Dynasty bill at sa Freedom of Information bill, na kapwa kumukontra sa sitwasyon ng karamihan ng pulitiko sa ngayon. Sakali man na makapasa, matatagalan bago ito lubusang matanggap ng mga pulitiko.
Aabutin pa ng ilang taon bago ito lubusang maging bahagi ng ating sistemang pulitikal. Ngunit panahon nang magsimula tayo ngayon.