INAMIN ni PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa na walang sapat na ebidensiya ang PNP na magpapatunay na ang negosyanteng si Peter Lim ng Cebu ay isang drug lord. Ang sinasabi lang daw ng kanilang intelligence report ay may drug lord sa Cebu na ang pangalan ay Peter Lim. Sino ngayon itong Peter Lim na sinabi ni Pangulong Digong na pinoprotektahan ni Gen. Marcelo Garbo? Si Garbo ay isa sa limang heneral na pinangalanan niya na protektor ng ilegal na droga. Mahirap yatang paniwalaan na alam mo ang protektor pero hindi mo alam kung sino itong Peter Lim na kanyang pinoproteksyunan.
Ipinagkaila ni Peter Lim na siya ay drug lord nang ipatawag siya ng Pangulo sa opisina ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Davao. Pero, siya at ang kanyang kapatid na si Wellington ay ipinatawag sa imbestigasyong ginawa ng Kongreso noong 2001. Mula 1997, ang dalawa ay nasa police watch list ng mga malaking drug lord. Katunayan, ang dalawa nilang empleyado na sina Bernard Liu at Ananias Dy sa kanilang negosyong Hilton Heavy Equipment ay tumestigo sa imbestigasyong ginawa ng Kongreso at idinitalye ng mga ito ang pagkakasangkot ng dalawa sa droga. Magkahiwalay na pinatay ang dalawa pagkatapos nilang tumestigo.
Binigyan ng pagkakataon ng Pangulo si Peter Lim na patunayan na hindi siya iyong Peter Lim na drug lord sa Cebu.
Sinabi ng Pangulo na magpaimbestiga siya sa National Bureau of Imbestigation (NBI) na nasa ilalim ng Department of Justice (DoJ). Ayon kay DoJ Secretary Vitaliano Aguirre, mag-iimbestiga ang NBI para malaman kung sino si Peter Lim na tinawag ng Pangulo na drug lord at ang kanyang responsibilidad. Mahirap daw gawin ito sa dami ng may pangalan nito at mauumpisahan lang ang imbestigasyon kapag nagsampa na ng demanda ang NBI laban dito. May legal na balakid ba para gamitin ng NBI ang rekord ng imbestigasyon na ginawa ng Kongreso?
Kaya dapat busisiin ang nagiging aksyon ng mga nasa gobyerno na naglulunsad ng kampanya laban sa droga dahil may mga pangalan nang nasira at marami na ang napatay. Ang mga ito ay hindi nabigyan ng pagkakataon tulad ng ibinigay ni Pangulong Digong kay Peter Lim na magpaliwanag at patunayang hindi siya iyong Peter Lim na drug lord. Ayon kay PNP Chief, intelligence report lamang ang nagdidiin kay Peter Lim na ito ay drug lord. Hindi raw titindig ito sa korte.
Ang nais ba niyang mangyari ay idedemanda lang si Peter Lim kung mapatunayan niya na siya talaga iyong drug lord?
Paano na iyong mga pinatay na hindi na nakita ang itsura ng korte? Tiyak na may napatay na pinahamak lang ng intelligence o police report. Kaya nga, may nagrereklamo na mga kamag-anak ng mga napatay na inosente raw ang mga ito. Marami sa kanila, o kaya halos lahat ng napatay ay mga dukha na nagtutulak para ipangtawid gutom o kaya sustentuhan ang kanilang bisyo. Hindi sila iyong pinagmulan ng kilu-kilo at milyun-milyong halaga ng droga na ibenanta para pagkakitaan ng malaki at maging milyonaryo. (Ric Valmonte)