Walang nararamdamang galit si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kay dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ito ang tiniyak ni Atty. Ferdinand Topacio, isa sa legal counsel ni Arroyo, kung saan ang gusto lamang umano ng kongresista ay makauwi na.

Ayon kay Topacio, nakikita umano nito na “wala namang poot si Arroyo kay Aquino at ang gusto lamang nito ay mag-move on na at pagtuunan ng pansin ang mga prayoridad nito na pagsilbihan ang kanyang constituents.”

Hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay inaabangan pa rin ang paglabas sa Veterans’ Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City ni Arroyo. Ito ay kasunod ng kautusan ng Korte Suprema na palayain ito nang ibasura ang kasong pandarambong ng kongresista dahil sa kakulangan ng ebidensya.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Batanes

Sinabi pa ni Topacio na sa katunayan, nahihiya si Arroyo sa kanyang constituents dahil ilang taon din siyang hindi nakapasok sa Kongreso.

Nais din umano sa ngayon ni Arroyo na umuwi na sa kanyang bahay sa La Vista Subdivision sa Quezon City para makabawi sa kanyang pamilya na matagal nang nangungulila sa kanya.

Si Arroyo ay halos anim na taong nakakulong nang sampahan ng kasong plunder at electoral sabotage sa ilalim ng panunungkulan ni Aquino.

Kahapon, ipinalabas naman na ng Korte Suprema ang kopya ng desisyong nagdidismis sa kasong plunder ni Arroyo. Ang kopya ng kampo ni Arroyo ay kinuha ng mga abogado nito na sina Atty.Laurence Arroyo at Atty. Jessie Lanete, dokumento na magpapalaya na nang tuluyan kay Arroyo. (ROMMEL TABBAD at BETH CAMIA)