ANG desisyon ng pagpabor na inisyu ng United Nations kaugnay sa moral at legal claim ng Pilipinas sa Spratlys ay dapat magsilbing paraan ng ating gobyerno sa pagkilos upang mabawi ang Sabah.
Ang pananatili ng Malaysia sa Sabah ay malinaw na kaso ng pang-aagaw sa lupain. Kasalanan din naman ng ating gobyerno dahil sa kakulangan ng aksiyon para sa Sulu Sultanate.
Ang nasabing desisyon ng UN-backed PCA ay magsisilbing paalaala kay Pangulong Duterte na simulan ang mga pangunahing hakbang upang tuparin niya ang kanyang pangako na babawiin ang Sabah. Sana ay nakapaloob ito sa kanyang State of the Nation address (SONA) sa Hulyo 25.
Mayroon akong isang “miracle formula” na maaaring makatulong sa lugmok na kalagayan ng ating Agrikultura. Nakuha ng Cebu community newspaper publisher na si Jimmy Vista rang aking atensiyon nang ipakita niya sa akin ang isang power point presentation sa kanyang laptop kaugnay sa kung paano nadodoble o natitriple ang produksiyon ng palay at iba pang pananim sa pamamagitan ng bacteria-based fertilizer.
Aaminin ko, na-starstruck ako sa magical formula ni Jimmy, na kinakailangang maging special interest ng napakasipag na si Agriculture Secretary Manny Piñol.
Sa kanyang tagumpay sa food security, maaaring mahigitan ng Duterte-Piñol chemistry ang rice production program noong panahon ni Marcos. Sigurado akong si Piñol, isang beteranong manunulat at outstanding public servant, sa pagkokonsidera sa kanyang determinasyon, ay kikilos bilang mahusay na miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte.
Ang pagpapalaya ng Supreme Court kay dating Pangulo at ngayong Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ay malinaw na may hustisya. Siya ay biktima ng political persecution. Bilang isa sa mga miyembro ng Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) Board of Directors sa loob ng maraming taon, sa tingin ko, ang lahat ng ipinupukol sa kanya gaya ng plunder charges ay walang basehan. (Johnny Dayang)