JAKARTA, Indonesia (AP) – Ang eskandalo kaugnay sa mga pekeng bakuna na ibinigay sa mga bata ang nagtulak sa mga galit at nalilitong magulang na atakehin ang isang doktor sa kabisera ng Indonesia, isang pahiwatig ng malalim na problema sa health system ng bansa.
Simula noong nakaraang buwan, nadiskubre ang mga vial na puno ng saline solution at antibiotics sa 37 ospital at klinika sa siyam na lungsod sa bansa. May 23 katao na ang naaresto, kabilang ang tatlong doktor. Iniimbestigahan naman ang bilang ng mga batang naapektuhan.
Bumisita si Indonesia President Joko “Jokowi” Widodo nitong linggo sa klinika kung saan muling babakunahan ang halos 170 kabataan. Humiling siya ng pasensiya habang sinisiyasat ng pulisya ang “extraordinary crime” ng mga pekeng bakuna na diumano ay nagsimula pa noong 2003.