Hindi na nagawa pang makapasok sa trabaho ng isang babae matapos pagbabarilin ng kapwa niya pasahero sa dyip habang binabagtas ang isang kalye sa Makati City kahapon ng umaga.
Nakilala ang biktimang si Lauren Kristel Rosales, ng Sta. Ana, pinagbabaril sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay. Nakasuot si Rosales ng business attire kaya’t sa pinagpapalagay na papasok ito sa kanyang trabaho nang mangyari ang pamamaril.
Nadaplisan naman ng bala ang isa pang pasahero na isinugod sa Ospital ng Makati (OsMak). Napag-alamang hindi sila magkakilala ni Rosales.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ang dalawang biktima at ang hindi kilalang salarin ay pasahero ng dyip na may plakang NVC 706 na may rutang Delpan-Guadalupe.
Huminto ang pampasaherong dyip sa pagitan ng Reposo at JP Rizal St., nang ipahinto ng gunman sa driver ang sasakyan at pinababa ang lahat. At nang sumunod na pangyayari ay bigla na lamang pinagbabaril ng suspek ang biktima.
Ayon sa drayber na si Michael Tan, narinig niya ang tatlong putok ng baril.
Agad nagsipagtakbuhan ang mga pasahero.
Bumulagta ang biktima sa dyip, habang ang isa naman ay duguan.
Matapos ang pamamaril, agad na umalis ang suspek sakay ng tricycle.
Pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang kuhang video ng closed circuit television (CCTV) cameras na nakakabit sa paligid ng pinangyarihan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo nito.
(Anna Liza Villas-Alavaren)