Namayani ang Arellano University, Centro Escolar University-A at Colegio San Benildo sa pagbubukas ng 14th Fr. Martin Division 2 Cup basketball tournament nitong Sabado, sa Arellano University gym sa Legarda, Manila.
Hataw si Clifford Cahigas sa naiskor na 19 na puntos para sandigan ang Arellano Chiefs kontra CEU-B Scorpions, 65-56.
Nanguna naman sina Orlan Wamar na may 15 puntos at Gills Oloume na kumana ng 12 puntos sa panalo ng CEU-A Scorpions, 66-54, kontra Far Eastern University.
Ratsada naman si Gelo Bernas sa nakubrang 19 na puntos sa panalo ng San Benildo Blazing Wolves kontra Far Eastern University Baby Tamaraws, 66-54.
Sa pangunguna ni Ivan Pineda na umiskor ng 11 puntos, nahila ng Chiefs ang double digit na bentahe para agawin ang 41-46 kalamangan ng Scorpions sa third period.
May kabuuang 31 eskwelahan ang lumahok sa senior at junior division ng prestihiyosong torneo, ayon kina chief organizer Edmundo “Ato” Badolato at commissioner Robert de la Rosa.
Magkakasama sa Group A ng senior division ang Adamson University, Arellano, San Sebastian College, Jose Rizal University, CEU-B, St. Michael, at Diliman Preparatory School.
Sasabak naman sa Group B ang FEU San Beda, Letran, University of Perpetual Help-Cavite, CEU-A, Colegio San Agustin-Binan, at Mary the Queen College-Pampanga.
Binubuo naman ang juniors Group B ng reigning UAAP champion National University, La Salle Greenhills-B, St. Michael, San Benildo, FEU, San Beda-Rizal, Hope at Adamson, habang nasa Group A ang Xavier School, Chiang Kai Shek College, LSGH-A, San Beda-Mendiola, La Salle-Zobel, Letran, Makati Gospel College, at CSA-Binan.