DAGUPANCITY, Pangasinan – Naaresto sa anti-drug operations ang tatlong lalaki isang linggo makaraan silang mapabilang sa libu-libong sumuko sa Oplan Tokhang ng La Union Police Provincial Office.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 1, naaresto ng anti-narcotics agent si Dexter Chan, 38, habang nagbebenta ng isang sachet ng shabu sa isang undercover agent sa Barangay San Francisco, San Fernando City, La Union.

May isa pang sachet ng shabu na natagpuan sa bulsa ni Chan.

Nagtungo rin ang parehong grupo ng PDEA agents sa Bgy. Poblacion, San Gabriel, La Union at sa isinagawang buy-bust operation ay naaresto sina Freddie Bugaon, 31; at Vincent Aisa, 43 anyos.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon kay PDEA-1 Director Jeoffrey C. Tacio, naaresto noong nakaraang taon ang kapatid ni Aisa dahil din sa pagbebenta ng droga, habang nagpiyansa lang si Bugaon sa kasong may kinalaman sa droga.

Kabilang sina Chan at Bugaon sa dumalo sa ceremonial surrender at oath taking ng 2,649 na tulak at adik na sumuko sa La Union nitong Hulyo 15. (Liezle Basa Iñigo)