Nakopo ni Allaney Jia Doroy ang dalawang ginto at isang pilak na medalya para sandigan ang kampanya ng 15-man Team Philippines sa katatapos na 12th Asian Schools Chess Championship sa Tehran, Iran.

Naiuwi ng Pinoy ang kabuuang anim na ginto, tatlong pilak at isang tanso sa torneo na ginanap sa Iran Chess Federation playing hall.

Kinolekta ng 14-anyos, sumabak sa 17-Under class ang panalo sa standard at rapid chess, habang nagkasya lamang sa pilak sa blitz upang tulungan ang Pilipinas sa pangkalahatang ikalawang puwesto sa torneo na nilahukan ng 17 bansa.

“Actually, we are the defending champions of the tournament held in Singapore,” sabi ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Executive Director at Grandmaster Jayson Gonzales.

Pinakamatandang 'Olympic champion,' pumanaw sa edad na 103

“But the host Iran entered an almost a hundred kids in all the events which enables them to win the overall title,” aniya.

Nakamit din ni Doroy, pambato ng Agusan Del Sur at 2nd year high school student sa National University, ang titulo bilang Women International Master (WIM) bunga ng kanyang pagwawagi sa tatlong kategorya na kanyang sinalihan.

Nakatakdang magbigay ng courtesy call ang koponan kay Philippines Sports Commission (PSC) chairman Butch Ramirez. (Angie Oredo)