BIG scene ang pagkakabaril ng character ni Cesar Montano na si dating Police Insp. Hector Mercurio sa Lolo Delfin (Jaime Fabregas) at boss din ni Cardo (Coco Martin) sa Philippine National Police noong Lunes ng gabi habang nagdiriwang ito ng kaarawan sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Sa istorya ng aksiyon serye, magreretiro na sana si Lolo Delfin sa susunod na taon at ikinukuwento niya kina Coco at sa mga kasamahan nito na masaya siyang aalis ng serbisyo dahil malinis ang pangalan niya na dapat ding gayahin ng mga pinamumunuan niyang pulis kasama na si Joaquin (Arjo Atayde) na huwag dudungisan ang kanilang pangalan.
Nagkakasayahan ang lahat nang makita nilang unti-unti nang natutumba si Lolo Delfin na nasalo naman ni Benny, may tama sa kaliwang dibdib dahil sa pagkakabaril ni Mercurio na galit pala sa kanyang dating opisyal dahil sa pagkamatay ng asawang opisyal din nang mapasama sa engkuwentro.
Nagtanim ng galit si Mercurio na umalis ng serbisyo at pinapatay ang lahat ng sa pagkakaalam niya ang may kinalaman sa pagkawala ng asawa.
Itinakbo nina Coco sa ospital ang Lolo Delfin niya pero hindi na ito umabot nang buhay samantalang nakatakas naman si Mercurio.
Mukhang may gusto si Mercurio kay Meg Imperial na palagi nitong pinupuntahan sa restaurant na pinagtatrabahuan at nu’ng isumbong nito kay Cardo na inaabangan siya ng una ay kaagad nagpunta ang Ang Probinsyano at dito na sila nagpang-abot.
Andami-daming televiewers na nagagandahan sa executions ng mga eksena nina Coco at Cesar na hindi na kataka-taka dahil si Direk Toto Natividad ang kumukuha sa mga ito. Maraming action movies na ginawa sina Cesar at Direk Toto noon kaya gamay na gamay na nila ang isa’t isa.
Kaya tama ang impresyon na pelikula ang dating ng Ang Probinsyano, kasi filmmaker naman talaga si Toto Natividad, at matitinik din ang mga kasamahan pa niyang sina Malu L. Sevilla at Avel E. Sunpongco.
Tiyak na mas malalaki pang eksena ang mapapanood sa Ang Probinsyano sa mga susunod na araw. Bukod sa bakbakan nina Cardo at Mercurio, inaabangan din kung sino ang papalit sa puwesto ni Lolo Delfin. (REGGEE BONOAN)