Optimistiko ang Adopt-an-Olympian program at Philippine Athletics Track and Field Association na makakasingit sa podium ang Pinoy tracksters na sasabak sa Rio Games sa Agosto 5-21.
Pambato ng bansa sa quadrennial meet sina SEA Games long jump queen Marestella Torres-Sunang, US-based Fil-Am 400m hurdles specialist Eric Shauwn Cray at marathoner Mary Joy Tabal.
Nagpahayag ng kanyang kahandaan ang 34-anyos na si Torres-Sunang sa kanyang ikatlong pagtatangka sa Olympics sa isinagawang send-off ceremony na inorganisa ng sports patron na si Jim Lafferty habang nakisali sina Cray na nasa El Paso, Texas at Tabal na nasa Tokyo, Japan sa pamamagitan ng tele-conference.
“Asam ko po na makapasok muna sa top 12, dahil iyon ang first step para makatuntong sa finals,” sabi ni Torres-Sunang, naabot ang Olympic qualifying mark sa dramatikong ikaanim at huling attempt sa gitna ng malakas na ulan sa pagwawagi sa 2016 Kazakhstan National Athletics Championships sa Almaty.
Halos puspusan na rin sa huling paghahanda si Cray na tatlong beses na pinabilis ang kanyang oras sa kanyang event sa huling pagtatala ng Philippine record na 48.98 segundo.
“We’re almost ready for the competition,” sabi ni Cray, double gold medalist at double games record holder sa 100m at 400m hurdles sa nakaraang Singapore SEA Games. Ang Olongapo City born na si Cray ay nagawa din na pumasok sa top 10 sa buong mundo sa kanyang event.
Si Torres-Sunang ang pinakaunang atleta na sinuportahan ng Adopt-An-Olympian program sa ilalim ni Lafferty, isa sa pribadong indibidwal na tumutulong sa sports bilang CEO ng British AmericaTobacco sa Pilipinas. (Angie Oredo)