PARA sa unang anim na buwan ng administrasyong Duterte—Hulyo hanggang Disyembre 2016—gagamitin ng gobyerno ang 2016 National Budget na binalangkas ng administrasyong Aquino at inaprubahan ng Kongreso. Wala nang magagawa ang bagong administrasyon tungkol sa pagpopondo sa mga programa nito ngayong taon.
Ngunit ibang usapan na ang 2017. Ang posibleng pinakamalaking pagbabago, sa larangan ng gastusin, ay ang budget para sa imprastruktura. Para sa 2017, sinabi ni Budget Secretary Benjamin E. Diokno sa mga mamamahayag noong nakaraang linggo, na nagpanukala ang administrasyon ng P890.9 bilyon para sa imprastruktura. Ito ay 41 porsiyentong mas mataas sa P631 bilyon sa national budget para sa taong ito.
Mas mataas ang pondo sa imprastuktura para sa mga kalsada, tulay, daungan, at paliparan. Kabilang din dito ang mga gusaling pampaaralan na nagpanukala ng P118 bilyon—44 na porsiyentong mas mataas sa budget para sa 2016. Sa kabila ng kapuri-puring pagsisikap ng nakalipas na administrasyon, hindi nito maipagkakaloob ang lahat ng gusaling pampaaralan na kinakailangan ng mga mag-aaral sa bansa dahil sa taunang pagdami ng populasyon.
Ngunit ang malaking nadagdag sa gastusin sa imprastruktura para sa 2017 ay may pinakamalaking epekto sa sitwasyon ng paggawa sa bansa, at kalaunan, sa problema sa malawakang kawalan ng trabaho. Ang pagpapatayo ng mga bagong kalsada, tulay, daungan, at eskuwelahan ay mangangahulugan ng maraming trabaho para sa milyun-milyong Pinoy na walang hanapbuhay. Magbubunsod din ito sa pagsigla ng iba pang aktibidad na pang-ekonomiya—mga gamit sa konstruksiyon, transportasyon, serbisyo sa pagkain, at iba pa.
Saklaw din ng budget para sa 2017 ang mas malaking halaga para sa iba pang larangan na makaaapekto sa buhay sa bansa na matagal nang nasadlak sa kapabayaan. Dapat din itong magkaloob ng kaparehong sigla sa agrikultura, na pakikinabangan ng pinakamalaking bahagi ng populasyon ng Pilipinas habang nagkakaloob ng mas tiyak na seguridad sa pagkain para sa buong bansa.
Pinag-aaralan na ngayon ng administrasyong Duterte ang kabuuang halaga ng pambansang budget, ayon kay Secretary Diokno, at tinatayang aabot sa P3.35 trilyon, na 11.6 na porsiyentong mas mataas sa 2016 budget na P3.002 trilyon. At dahil ang malaking bahagi nito ay ilalaan sa imprastruktura at sa iba pang proyekto na magsusulong ng ekonomiya, dapat na makakita tayo ng malaking pagbabago sa buhay ng mamamayan bago matapos ang unang taon ng administrasyon.
Ngayon, nagkakaroon na ang malaking pagbabago sa pamumuno, partikular na sa kapayapaan at kaayusan, pagsugpo sa malawakang problema sa ilegal na droga, at pagbibigay-tuldok sa lahat ng krimen. Binigyan ni Pangulong Duterte ang kanyang sarili ng anim na buwan upang maisakatuparan ito, at batay sa mga nangyayari sa ngayon, malaki ang posibilidad na magtagumpay siya. Pagkatapos ng unang anim na buwan ng kanyang pamumuno, dapat na ring makakita tayo ng malalaking pagbabago sa pamumuhay at ekonomiya sa bansa, sa bisa ng malaking nadagdag sa pondo para sa imprastruktura at sa iba pang aktibidad na pang-ekonomiya.