Ramirez, nagbabala sa NSA at POC hinggil sa pagbabago sa Philippine Sports.
Handa si Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez na harapin ang anumang batikos sa kanyang gagawing paglilinis sa ahensiya at pagpapatupad ng alituntunin upang mapangalagaan ang mga atleta at ang pondo na galing sa bulsa nina Juan at Juana.
Ayon kay Ramirez, ang pagkakaisa ng lahat ng sektor sa sports ang susi para mapagtagumpayan ang mithiin ng pamahalaan na makamit ng atletang Pinoy ang antas na maging “world class” at pangarap na maging kompetitibo sa international tournament.
Ngunit, nagbabala siya na gagamitin ang kapangyarihang itinadhana ng batas para supilin ang mga pasaway na “partner” sa sports.
“We will strictly implementing the no liquidation, no policy program,” sambit ni Ramirez.
“Hindi na natin uungkatin ‘yung mga problema sa liquidation ng NSA 10 years ago, pero sa termino namin, pasensyahan tayo. Kahit huminge pa kayo ng ayuda sa POC, kung hindi ninyo nasunod ang alituntunin namin, wala kaming ibibigay na tulong pinansiyal,” giit ni Ramirez.
“Hindi naman kami puwedeng sumang-ayon na lang sa gusto nila. We have our duty and responsibility. Isa pa wala kaming Boss dito, kundi ang Pangulong Duterte,” aniya.
Sisilipin din umano ni Ramirez ang mga isyu mula sa reklamo ng mga atleta, kabilang na ang pag-aalis sa Philippine Team ng mga “deserving athlete”.
“Although the responsibility for the selection of the athletes ay nasa NSA, kami sa PSC ang nagbibigay ng pondo. We have the mandate to look after the welfare of the athletes. Kawawa rin ang ating mga tax payer kung ang pondong nagmula sa kanila eh napupunta sa atleta na ‘bata, lang ng coach o ng opisyal,’ pahayag ni Ramirez.
At tulad nang binitiwang pangako ng Pangulong Duterte, sinabi ni Ramirez na mararamdaman ng mga atleta ang pagbabago sa Philippine Sports – sa unang anim na buwan ng kanyang pamumuno.
“I have a clear picture of my mandate. We have to work doubly hard para maisaayos natin ang sistema ng Philippine Sports and I’ll assured every tax payers that we will make the Filipino athletes great again,” pahayag ni Ramirez.
“We have six month to revive the Philippine Sports Institute as our short term program and after six years hopefully everything is in order. Magagawa namin ito basta tulong-tulong kami,” sambit ni Ramirez, patungkol sa apat na commissioner na sina basketball legend Ramon Fernandez, Engr. Arnold Agustin, dating sports editor Charles Maxey, at pencat silat official Dr. Celia Kiram.
“We will send an invitation to agency concerned, former sports officials and the private sector para magusap-usap at makabuo ng mas produktibong ideya para sa revival ng PSI,” aniya.
Iginiit ni Ramirez na napakahalaga na matukoy ang talento ng atleta at mabigyan ng sapat na edukasyon at nutrisyon, gayundin ang iba pang aspeto para maihanda sila sa international tournament.
“Aside for the athletes concerned, kailangan din nating ma-educate ang mga coach at palakasin ang programa sa sports medicine. The Philippine Sports Institute will provide,” sambit ni Ramirez.
Habang pinapalakas ang elite sports, sinabi ni Ramirez na tututukan ding mabuti ang grassroots sports program ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbuhay sa Mindanao Games at pagsulong ng indigenous sports bukod sa pagpapalawak sa programa ng Batang Pinoy at Philippine National Games.
“Itutulad natin yung PNG sa China na yung mga best of the best athletes natin ang maghaharap-harap para mapili natin yung mga ilalaban natin sa abroad,” aniya.
Ipinahayag ni Ramirez na kailangang maihanda ang delegasyon ng bansa sa 2017 Southeast Asian Games sa Malaysia, gayundin ang 2018 Asian Games sa Indonesia. Nakatuon din ang pansin sa hosting ng bansa sa 2019 SEAG.
“We already identify several venues for the SEAG hosting at ‘yan ang pinatutukan ko kay commissioner (Arnold) Agustin. Right now, malabong makapagpatayo tayo ng bagong sports center, although kasama rin yan sa ating priority in the future,” aniya. (Edwin Rollon)