KAILAN pa napalitan ang ‘Harana’ na kinagisnan ng Pilipino, at ginayakan sa Kanluraning kagawian na ang lalaking nanunuyo, isang tuhod iniluluhod sa iniirog, sabay alay ng mamahaling diamante?

Mauunawaan natin ang makabagong moda na text sa panliligaw subali’t yang ipinamumudmod ng telebisyon at sine na gumagaya sa banyagang estilo ay hindi katanggap-tanggap. Ilang Pilipino ba ang may sapat na salapi para bumili ng mamahaling singsing para lang mapasagot ang pinipintig ng puso?

Hindi hiyang! Nariyan din ang inampong “make-over” ng mga Amerikano na sa ilang dambuhalang istasyon sa telebisyon ay kinokopya. Hindi siguro maunawaan ng mga manggagaya na ang bawat segundo, oras, at araw sa Estados Unidos ay mahalaga. Kadalasan, dahil sa patung-patong na trabaho, walang panahon ang mga “misis” magpamake-over sa abroad. Sa Amerika, sobrang mahal ang labor!

Habang sa Pilipinas, mura ang oras at serbisyo sa parlor. Halos bawat kanto may pa-beauty, barbero, at tagamasahe.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Huwag kasi manggaya! ‘Yan ang mahirap sa ilan nating mga kababayan. Porke maayos sa ibang bansa, kara-karaka, parang unggoy na sinusunod natin. Kung hindi angkop at hindi kinagisnan, anong pakialam natin?!

Magbibigay pa ko ng ilang halimbawa – Kung bukas makalawa, may Pontio Pilatong makaisip sa Kongreso o Senado na palitan ang 1898 na bandila ng Pilipinas, payag tayo? Dahil hindi daw kasama ang Moro/Lumad? O ‘di kaya, ibahin ang pangalan ng bansa? Ang payo ni Pilosopo Tasyo ay: “Hindi mo maaaring baguhin (bastusin) ang kasaysayan. ‘Yan ang buod ng pinagmulan natin.

Maaari lang tayo matuto sa karanasan ng kahapon!” Paano pa kung may matalino o sikat na magmungkahing akuin ang kulturang dayuhan – pagdating ng edad 18, dapat layas ang mga anak sa tahanan at magbanat ng buto. Magsikap silang mag-isa.

Habang mga uugud-ugod na magulang, hindi na dapat inaalagaan ng mga anak. Tulad sa Amerika, nakatengga na lang sa Home for the Aged! O ‘di kaya, manghiram tayo sa Hapon. Sa halip na magmano sa kamay ni lolo bilang paggalang sa matatanda, nakatayong ibinababa ang ulo at ang kalahating katawan? Payag kayo? Maitanong ko lang: Bakit sa sinauna pa, si Aguinaldo, Mabini at marami pang iba ay hindi iminungkahi ang Federalism?

Si Rizal ay nagpaka-martyr dahil ba Ilokano, Kapampangan, Bicolano, Cebuano, Moro, Kristiyano tayo? O dahil Pilipino? Kailangan ba niya magpabaril ulit?