Matapos ibasura ng Supreme Court (SC) ang kasong plunder ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, inaasahang makakadalo na ito sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 25.
Ayon kay House Deputy Secretary General Artemio Adaza, si Arroyo ay maaaring umupo sa session hall o kaya’y sa first gallery, katabi ang mga imbitadong dating pangulo.
Base sa sitting arrangement, bilang dating Pangulo, si Arroyo ay uupo sa gitna nina dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada at dating Pangulo Benigno S. Aquino III.
“May option si (former) President Arroyo kung uupo siya sa gallery o uupo siya sa gitna ng session hall as Representative of Pampanga,” ani Adaza.
Noong Martes, magugunitang dinismis ng SC ang plunder case ni Arroyo na nag-uugat sa umano’y maling paggamit sa P366 milyong intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). (Charissa M. Luci)