Mas pinaigting na parusa ang naghihintay sa carnappers ngayong batas na ang panukala ni Senadora Grace Poe na naglalayong supilin ang nasabing krimen.
Makukulong ng 20 hanggang 30 taon ang mapapatunayang guilty sa carnapping sa ilalim ng Republic Act 10883, ang bagong Anti-Carnapping Law. Kung may ginamit na karahasan, ang pagkakakulong ay magiging 30 taon at isang araw hanggang 40 taon.
“Umaasa tayong ang bagong batas na ito, kasama ang pinaigting na implementasyon ng ating gobyerno, ay makatutulong upang masawata ang krimen at mabigyan ng kapayapaan ng loob ang mga nagmamay-ari ng sasakyan,” ayon kay Poe na siyang sponsor ng naturang batas sa Senado.
Sa ilalim ng batas, hindi na pinapayagang magpiyansa ang mahuhuling karnaper kung malakas ang ebidensya ng pagkakasala.
Parurusahan din ang magbebenta ng spare parts ng mga karnap na sasakyan. (Leonel Abasola)