MARAMING umaangal sa ‘di umano’y parang “double standard” na pagtrato ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (RRD) sa kanyang pakikipaggiyera sa illegal drugs. Bakit daw ang mga ordinaryong drug peddlers, pushers at users ay walang habas o tanung-tanong na pinapatay ng mga pulis sa katwirang nanlaban daw? Gayunman, si Peter Lim, alyas “Jaguar”, na tinukoy niya bilang isang drug lord at isa sa Drug Triad, kasama sina Peter Co at Herbert Colangco, ay kinausap pa niya at pinaiimbestigahan?
Galit si Mano Digong at mga kaalyado kay Sen. Leila de Lima dahil sa plano nito na tumawag ng isang Senate hearing para imbestigahan ang mga pagpatay ng mga pulis sa ‘di umano’y drug pushers at users. Dapat ay pagbigyan si De Lima upang tulad ni Peter Lim ay malaman kung ang mga biktima ay pinatay nang walang laban o ito ay kagagawan ng vigilantes na hindi kumikilala sa batas.
Nagtataka rin ang mga tao kung bakit hindi tinupad ni RRD ang banta niya kay Lim na sa paglabas niya sa eroplano, siya ay tiyak na mamamatay dahil sangkot siya sa ilegal na droga. Bakit daw hinayaan pa si Lim na mabuhay ng isang araw gayong ang pangkaraniwang pushers at users ay ni walang isang segundo o minuto na magbigay ng panig sa raiding police at niraratrat agad sa katwirang nanlaban daw? Tama lang si De Lima na imbestigahan ito ng Senado para maging patas ang laban sapagkat nakapagtatakang ang mga biktima ay laging may ilang sachet ng shabu at .38 cal. pistol na katabi at ginamit daw.
Totoo rin ba ang mga balitang sina Duterte at Peter Lim ay mga sponsor sa isang kasalan na ginanap sa Shangri-la Mactan Island and Spa, sa Lapu-Lapu City noong Hunyo 25? Itinanggi ng spokesman ni Lim na si Dioscoro Fuentes na ang Peter Lim na tinukoy ni Mano Digong ay siya ring Peter Lim na big-time drug lord. Abangan na lang natin ang paglitaw ng katotohanan.
Kapag magandang babae ang kaharap ni President Rody, siya ay bigay-todo at very presidential. Talaga raw yatang “Chick Boy” o “Ladies Man” ang dating mayor ng Davao City. Masaya siyang nakangiti nang mag-courtesy call si Miss Universe Pia Wurtzbach sa Malacañang, at pumayag siyang makipag-selfie sa magandang dilag. Si Pres. Duterte ang unang pangulo mula sa Mindanao (Davao City) at si Pia naman ang unang Miss Universe din sa Mindanao (Cagayan de Oro City).
Sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Duterte sa Hulyo 25, hindi raw niya gagayahin si PNoy na binanatan at sinisi ang kanyang pinalitang pangulo, si ex-Pres. Gloria M. Arroyo. Hindi rin daw siya magiging “BOY SISI” tulad ni PNoy na laging sinisisi si GMA. Magiging maikli rin ang kanyang speech, baka maging kasing-ikli ng kanyang inaugural speech noon na 14 minuto lang.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga kasapi ng Kongreso, marahil daw ay hindi mababatikan ito ng mga pagmumura tulad ng kanyang kinagawian. Sumailalim na siya sa isang “metamorphosis”. Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Less mura, less kontrobersiya, more presidential.” Sabi ko naman, ang mga paboritong expression ni Pres. Rody ay: 1. I will kill you. 2. Stop it. 3. I hate drugs. (Bert de Guzman)