Naghihimas ngayon ng malamig na rehas ang walong indibiduwal, kabilang ang isang nagbebenta ng baril, matapos maabutan ng mga tauhan ng Regional Police Intelligence Operation Unit (RPIOU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na sumisinghot ng shabu sa loob ng isang bahay sa Taguig City, kahapon ng hapon.

Nadakip na nagbebenta ng kalibre .45 na baril ang suspek na si Jefferson Yanilla, 37, ng No.34 Luzon St., zone 5, Barangay Central ng nasabing lungsod, habang nahuli sa aktong bumabatak ang mga suspek na sina Rowena Basagan, 45; Ivy Aragon, 31, kapwa nakatira sa No.19-A Mindanao Street; Herve Pili, 38, ng No.5 Saavedra St.; Ricardo Tolentino, 26, ng No.23 Mindanao St.; Rex Bryan Ventura, 28, ng No.46 Visayas St.; Rommel Viñas, 19, ng No.143 San Roque St. at Melvin Basagan, 18, ng No.19 Col. Bravo St., Taguig City.

Base sa ulat, dakong 2:30 ng hapon unang nadakip ng awtoridad si Yanilla matapos niyang bentahan ng baril ang isang pulis sa Luzon St., Bgy. Central.

Kasunod nito, natunugan at nabisto naman ng mga pulis ang nagaganap na pot session ng pitong suspek sa katabing bahay sa lugar na naging dahilan ng kanilang pagkakaaresto at nakumpiska sa mga ito ang isang plastic na naglalaman ng pitong sachet ng shabu at drug paraphernalia.

National

VP Sara, itinuturing na ‘mastermind’ sa assassination plot vs PBBM – DOJ

Idiniretso ang mga arestadong suspek sa tanggapan ng Regional Anti Illegal Drugs –Special Operation Task Group (RAID-SOTG) para sampahan ng kasong Comprehensive Firearms and Ammunition laban sa suspek na si Yanilla, samantalang nahaharap naman sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act ang pito pang suspek. (Bella Gamotea)