CEBU CITY – Pitumpu’t limang hepe ng pulisya sa Central Visayas ang sisibakin sa puwesto dahil sa kabiguang magsagawa ng kampanya kontra ilegal na droga, sinabi kahapon ng Police Regional Office (PRO)-7.
Sinabi ni Senior Supt. Rey Lyndon Lawas, deputy regional director for operations, na 75 sa 125 himpilan ng pulisya sa rehiyon ang nabigong umaresto ng kahit isang drug personality sa kani-kanilang area of responsibility, na nagresulta sa pagsibak sa hepe ng mga ito.
Sa 75 hepe, 36 ang nakabase sa Cebu, 16 sa Bohol, walo sa Cebu City, dalawa sa Siquijor, tatlo sa Lapu-Lapu City, at tatlo sa Mandaue City.
Ayon kay Lawas, noong unang bahagi ng taon ay inatasan na ang mga station commander na gumawa ng listahan ng mga sangkot sa droga sa kani-kanilang lugar at inutusang tugisin at arestuhin ang mga ito bago sumapit ang Hulyo.
Gayunman, halos patapos na ang Hulyo pero wala pang naaaresto kahit isang suspek ang 75 himpilan ng pulisya sa rehiyon, ayon kay Lawas.
Ang mga na-relieve na hepe ay maaaring pabalikin sa PRO 7 headquarters o italaga sa ibang lugar.
(MARS W. MOSQUEDA, JR.)