BULUAN, Maguindanao – Labingwalo sa 400 kawani ng pamahalaang panglalawigan ng Maguindanao ang nagpositibo sa mass drug examination dito nitong Lunes, iniulat kahapon.
Napaulat na ipinag-utos ni Gov. Esmael Mangudadatu ang mass drug test sa harap ng mga ulat na isinailalim ng pulisya sa monitoring ang Maguindanao at Lanao del Sur bilang pangunahing pinaghihinalaan sa pagkakasangkot sa ilegal na droga sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ang 400 kawani sa Maguindanao ay kalahati lang ng kabuuang bilang ng mga empleyado ng pamahalaang panglalawigan.
Negatibo sa droga, hindi pa nakukuhanan ng pahayag si Mangudadatu tungkol sa resulta ng drug test makaraang mapaulat na nagalit siya sa pagtatangka ng isang jail guard na haluan ng alcohol ang urine sample nito sa ikalawang drug test matapos magpositibo sa unang test.
Kokunsultahin naman ng gobernador ang Civil Service Commission tungkol sa ipapataw na disciplinary sanction, kabilang ang planong pagsibak sa serbisyo, laban sa 18 nagpositibo sa droga. (Ali G. Macabalang)