Mga laro ngayon (Araneta Coliseum)

4:15 n.h. – SMB vs NLEX

7 n.g. -- Star vs Blackwater

Makasalo sa kasalukuyang lider na Meralco ang target ng San Miguel Beer at NLEX sa kanilang paghaharap ngayon sa PBA Governors Cup elimination, sa Smart Araneta Coliseum.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Magkakasubukan ang Beermen at Road Warriors sa unang laro sa ganap na 4:15 ng hapon kung saan kapwa target ng magkaribal na masundan ang kani-kanilang opening game win at makisosyo sa Bolts sa maagang liderato.

Tinalo ng Beermen ang Phoenix sa kanilang unang laro sa iskor na 124-113, habang ginapi ng Road Warriors ang Blackwater, 96-90.

Sa kabila ng panalo, nagpahayag ng pagkabahala si San Miguel Beer import AZ Reid sa kanyang koponan na aniya’y mahina ang depensang ipinakita laban sa Phoenix.

“It won’t happen if we continue to give our opponents a hundred and thirteen points,” sambit ni Reid, umiskor ng 41 puntos sa kanyang debut game.

“It’s awful giving up seventy points in a half. It’s unacceptable,” aniya.

Sa panig ng Road Warriors, aasahan nila ang matikas na opensa nina import Henry Walker at locals Sean Anthony, Kevin Alas at Asi Taulava.

Samantala, kapwa naman magkukumahog bumangon sa naunang kabiguan ang Star at Blackwater sa kanilang pagtatapat ganap na 7:00 ng gabi.

Tatangkain ng Hotshots na makabawi sa 92-100 na pagkatalo sa Mahindra, habang sisikapin ng Elite na makabangon sa pagkadapa sa NLEX.

Umaasa si Star import Marcus Blakely na pag-iigihin ng kanilang koponan ang kanilang depensa na aniya’y sanhi ng naging kabiguan nila sa unang laro.

“Our main problem is execution,” sambit ni Blakely. - Marivic Awitan