BAGO pa sinimulan ni Pangulong Duterte ang kampanya laban sa ilegal na droga sa bansa, walang sinuman sa gobyerno o kahit na organisasyon ang nag-akalang magiging malaking suliranin ang pinoproblema ngayon. Araw-araw, napapaulat ang pagkamatay ng maraming tulak ng droga; sa loob lamang ng isang linggo, nasa halos isandaan na ang napapaslang ng pulisya sa iba’t ibang dako ng bansa—na pinakamaraming naitatala sa Calabarzon, Metro Manila, at Mindanao.
At hindi pa kasama sa bilang na ito ang pagpatay naman ng mga pangkat ng vigilante, na nagpapatindi sa pinangangambahan ng mga grupong nagsusulong ng karapatang pantao na malawakang paglabag sa prosesong legal.
Nakaaalarma rin—marahil higit sa ano pa man—ang bilang ng mga gumagamit ng droga na sumusuko sa awtoridad sa takot na mapatay sila ng mga sindikato upang wala nang tumestigo laban sa kanila. Iniulat ng Philippine National Police na may 8,110 gumagamit at nagbebenta ng droga ang inaresto noong Mayo 10-Hulyo 10. Sa kaparehong panahon, 35,276 naman ang sumuko sa pulisya.
At nasa ikatlong linggo pa lang ang administrasyong Duterte. Matatandaang sa kampanya pa lang ay nangako na si Pangulong Duterte na susugpuin niya ang droga at iba pang mga krimen sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Ang tumatak na pangakong ito ay naging simbolo ng pagbabago, na naging isang malaking isyu na umani ng suporta para sa kanyang kandidatura at nagbigay sa kanya ng landslide victory.
Ngayong napakaraming gumagamit ng droga—mga tunay na biktima ng mga sindikato ng droga—ang sumuko bilang suporta sa kampanya, dapat na harapin ng gobyerno ang problema sa rehabilitasyon sa kanila. Ibinunyag ni Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe na batay sa datos sa nakalipas na mga taon, nasa 2,000 ang sumailalim sa proseso ng rehabilitasyon sa bansa. At masyado itong magastos—ang anim na buwang rehabilitation treatment ay nagkakahalaga ng P60,000 sa isang pasilidad ng gobyerno, P150,000 naman sa isang pribadong center.
Sa datos nitong 2012, aniya, mayroon lamang 41 rehabilitation residential center at tatlong outpatient center sa bansa na kinikilala ng Department of Health (DoH). Ang 44 na center na ito ang nag-aasikaso sa 2,000 pasyente na ipinagagamot ng kani-kanilang pamilya. Ano ngayon ang gagawin natin sa mahigit 8,000 naaresto sa kasalukuyan at sa mahigit 35,000 isinuko ang kanilang sarili?
Naghain na ang Ako Bicol Party-list ng panukala, ang House Bill No. 132, para sa pagtatatag ng isang rehabilitation center sa bawat legislative district sa bansa. Katumbas ito ng 81 bagong center—isa sa kada distrito—na karagdagan sa 41 kinikilala ng DoH. Makakaya nang gamutin ng 81 bagong center ang nasa 80,000 bagong pasyente.
Isa itong programa na kailangang agad na maipatupad. Nangangailangan ng tulong ang libu-libong biktima ng mga sindikato ng droga. Hindi nila maaaring basta na lang talikuran ang kanilang bisyo. Kung walang ayuda, tiyak na babalik lang sila sa paggamit ng droga. Napakahalagang maaksiyunan agad ang House Bill 132. Kahit ngayon, dapat nang simulan ng DoH ang pagtatayo ng mga kinakailangang rehabilitation center.