Harlene, Romnick, Hero at entertainment press. copy

Ni REGGEE BONOAN

NAKAPANAYAM namin sa kinaugalian nang patawag ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na birthday party ng entertainment press sa Salu Restaurant, Scout Torillo, Quezon City ang may-ari ng resto na sina Ms. Harlene Bautista at Romnick Sarmenta with QC Councilor Hero Bautista.

Pagkaing Pinoy mula sa iba’t ibang rehiyon ang menu sa Salu na ayon kay Harlene ay konsepto na sadya nilang ginawa para walang katulad, at sa loob ng isang buwang operation ay jam-packed palagi ang lugar.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“June 9 kami nag-open, okay at maraming pumupunta at bumabalik, nagustuhan nila ‘yung food at ‘yung service,” sabi ni Harlene.

Maganda ang disenyo ng Salu Restaurant na hinati sa tatlong pulo, Luzon, Visayas at Mindanao at ang mga disenyo ay akma sa specialty ng bawat rehiyon.

Hindi nag-aral ng culinary arts si Harlene pero marunong siyang magluto na hilig niya noon pa.

Umaabot sa 70 ang pagkaing nasa menu nila at madadagdagan pa raw ito dahil mahilig mag-experiment ang kanilang chef.

“Nagpapaturo naman ako sa aming executive chef,” sabi ni Harlene nang sabihan namin na dapat niyang pag-aralan ang 70 dishes.

Ang best seller nila ay kare-kare, sisig hito na, “Akala mo pork pero hito siya, masarap ‘yung dinuguan namin at laing. Masasarap din ‘yung mga dessert namin like brazo de kalabasa, imbes na regular na brazo de mercedes, merong kalabasang kasama, meron kaming durian cheesecake, chocnut cheesecake na sariling gawa namin talaga.

“Ang chef namin ay si Chef Janjie (Ocoma), siya ‘yung known as lakwatserong kusinero. Tino-tour niya talaga ang buong Pilipinas para aralin ‘yung regional cuisine. I think meron siyang YouTube channel at siya ang endorser ng bagong sweetener Siyana.

“At may mga chef din kami sa kitchen namin na from Mindanao talaga sila, mga Muslim para authentic talaga ang sini-serve namin.

“Okay naman ang prices (food) kasi malaki at for sharing since it’s a family restaurant naman, ranges 250 to 400, depende sa order,” kuwento ng kapatid ni Bistek.

Magandang venue for events ang Salu Restaurant na aabot sa 300 ang seating capacity at ang maganda pa ay may kids room o playroom sila para sa mga may mga dalang bata na walang ginawa kundi maglaro na parating sinasaway ng magulang.

May bago ring pakulo ang Salu.

“Ilo-launch pa lang namin itong corner na ito, ‘Luto ni Inay Kitchen.’ Para sa mga gustong magluto sa pamilya nila, like gusto nila ng adobo, ipi-prepare namin ang ingredients ‘tapos ‘yung nanay pa rin ang magluluto para sa family niya,” kuwento ni Harlene.

Nabanggit din ng wifey ni Romnick na marami nang celebrities ang kumain sa Salu tulad nina Kris Aquino, Cherie Pie Picache na isa sa may-ari ng Alab Restaurant, “’Yung iba restaurant owners din,” sambit ni Harlene.

Umaabot sa 70 staff ang pinapasuweldo ng mag-asawang Romnick at Harlene sa business nila at posible pa raw madagdagan depende sa demand lalo’t nagiging talk of the town na ang kanilang restaurant.

Hindi nabanggit ni Harlene pero may nagkuwento sa amin na marami ang magsasakang natutulungan ng mag-asawa dahil may mga kinontrata na sila na supplier ng bigas, iba’t ibang gulay, at livestocks dahil ang gusto nga nila ay organic lahat ng inihahanda sa kanilang restaurant.

Samantala, noong hindi pa pumapasok sa eskuwelahan ang panganay na anak nina Harlene at Romnick ay pinag-OJT nila ito sa kusina para matuto ng kanilang business at mabigyan nila ng allowance bilang incentive.

“Unang allowance nga niya, ibinigay sa akin, kasi sabi ng papa niya na unang suweldo ibibigay daw sa nanay, hayun inabot naman sa akin. Siya ang nagbayad ng requirements niya sa UP, pero siningil din niya ako, ha-ha-ha. Inabonohan niya muna,” kuwento ng dating aktres.

Samantala, home school ang mga anak nina Romnick at Harlene dahil nabu-bully noong nasa regular school pa.

“Home school sila, pero pumapasok sila everyday sa isang tutorial center ‘tapos may mga classmates din sila ro’n. Galing silang regular school, ito kasing babae (second child), na-bully siya ng lalaki, sinuntok siya sa tiyan ‘tapos pinapaiyak siya, kaya ‘nilipat namin.

“Hindi naman kaagad nagsabi at hindi namin nakita kaya hindi namin na-report. First few months nila, talagang ayaw nila (ng home school) pero nu’ng moving up day, nag-speech sila na ito raw ‘yung best nila in schooling, talagang best decision daw that we made for them, nakakatuwa,” masayang kuwento ni Harlene.