PUMAPATAY ng libu-libong katao sa East Asia kada taon ang maruming usok na ibinubuga ng mga barkong nagbibiyahe ng kargamento sa rehiyon, at nakapagpapalubha rin ito sa global warming.
Ayon sa isang pag-aaral, ang mga industriya ng manufacturing at export ang pinakamabilis magtala ng particle at carbon dioxide (CO2) pollution sa mundo mula sa mga barko.
Posibleng lumala pa ito ngayong isinusulong ng China ang polisiya ng muling pagbuhay sa sinaunang kalakalan ng Silk Road katuwang ang Europe—bagamat kakaunti lang ang impormasyon tungkol sa pinsalang naidudulot ng shipping emissions sa silangang Asia.
Ginamit ng grupo ng mga siyentistang Chinese at Amerikano ang mga record ng mahigit 18,000 barko na dumaan sa rehiyon noong 2013 upang mataya ang emissions at matukoy ang posibleng epekto nito.
Natuklasan ng pag-aaral na higit pa sa nadoble ang barkong dumadaan sa silangang Asia simula noong 2005.
Ang mga naitalang emission ay bumubuo sa 16 na porsiyento ng pandaigdigang paglalayag at naibuga nitong CO2 noong 2013—mas mataas nang 4-7 porsiyento simula 2002 hanggang 2005.
Naitatala sa rehiyon, na katatagpuan ng walo sa sampung pangunahing daungan sa mundo, ang mahigit sa ikaanim na bahagi ng kabuuang global shipping activity at emissions, na hindi kontrolado, iniulat ng grupo sa journal na Nature Climate Change.
“Increased emissions lead to large adverse health impacts with 14,500-37,500 premature deaths per year,” isinulat ng mga mananaliksik.
Ang taya ay batay sa tukoy na ambag ng polusyon sa hangin sa kabuuang pagkamatay sa isang partikular na populasyon.
Tinaya ng grupo na ang particle pollution mula sa usok ng barko ang responsable sa nasa 18,000 pagkamatay sa mainland China, 3,600 sa Japan, 1,100 sa Taiwan, Hongkong at Macau, 800 sa South Korea, at 600 sa Vietnam.
Ito ay “an important though small fraction of the more than one million total premature deaths attributable to ambient air pollution in the same region,” ayon sa pag-aaral.
“As a large fraction of vessels are registered elsewhere, joint efforts are necessary to reduce emissions and mitigate the climate and health impacts of shipping in the region,” ayon pa sa mga mananaliksik.
Ayon sa International Maritime Organization, nakapag-ambag ang paglalayag ng 2.8 porsiyento sa pandaigdigang manmade greenhouse gas emissions sa pagitan ng 2007 at 2012. - Agencé France Presse