Nina Rey G. Panaligan, Beth Camia at Genalyn Kabiling

Gloria Macapagal-ArroyoLaya na si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo matapos idismis ng Korte Suprema ang kinakaharap nitong kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y maling paggastos sa P366 milyong pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa 11-4 boto, ipinag-utos ng Supreme Court (SC) ang paglaya ng kongresista mula sa hospital arrest sa Veterans Memorial Hospital sa Quezon City.

Kahapon, dinismis ng SC ang plunder case kay Arroyo na isinampa sa Sandiganbayan dahil sa kawalan ng ebidensya. Sa ruling, naabswelto sa kaso ang dating Pangulo kaya’t agad itong nakalaya. Hindi na rin maaaring mag-file ng motion for reconsideration ang government prosecutors.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Bukod kay Arroyo, abswelto na rin sa kaso si Benigno Aguas, dating PCSO budget and accounts manager.

Bumoto sa pagdismis ng kaso sina Justices Presbitero J. Velasco Jr., Teresita J. Leonardo de Castro, Arturo D. Brion, Diosdado M. Peralta, Lucas P. Bersamin, Mariano C. del Castillo, Jose Portugal Perez, Jose Catral Mendoza, Bienvenido L. Reyes, Estela B. Perlas Bernabe, at Francis H. Jardeleza.

Kontra naman sina Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno, Senior Justice Antonio T. Carpio, at Justices Marvic Mario Victor F. Leonen, at Alfredo Benjamin Caguioa.

Ayon kay Atty. Raul Lambino, abogado ni Arroyo, mula sa simula ay wala namang matibay na ebidensya sa kaso kaya marapat lamang na palayain ang dating Pangulo.

Sa panig ng Malacañang, inihayag na dapat lang respetuhin ang desisyon ng Korte Suprema.

“Let us respect and abide by the High Court’s decision,” ayon kay Presidential Communications Operations Secretary Martin Andanar sa isang text message.

Ang kampo ni Arroyo, na nakulong ng lampas limang taon, ay dumulong sa SC upang hilinging ibasura ang plunder case dahil sa kawalan ng ebidensya, argumentong kinatigan naman ng Kataas-taasang Hukuman. Inaasahang lalabas sa Veterans Memorial Hospital si Arroyo ngayong araw.