BAGAMAT maaaring pumanaw na ang halos lahat ng mga beteranong Pilipino na napalaban noong World War II, nakakatuwang malaman na sila’y gagawaran pa ng Congressional Gold Medal. Sila, kasama ang iba pang beteranong Amerikano na nakidigma sa ilalim ng United States Armed Forces in the Far East (USAFFE), ay pararangalan ng American Congress.

Sa pamamagitan ng isang bill na isinulong ng US Senate at House, inaasahang maisasabatas ang Filipino Veterans of World War II Congressional Gold Medal (CGM) Act. Ito ang magkakaloob ng medalya sa 260,000 Filipino at Filipino-American soldiers na kaagapay ng USAFFE noong WWII. Ito ang pinakamataas na civilian award na iginagawad ng US government sa sinumang nagpapahalaga sa kasaysayan at kultura ng mga Amerikano. Marami ang umaasa, kabilang na ang Filipino Veterans Recognition and Education Project (Filvetrep) na kikilalanin na rin ang karangalan at katapangan ng ating mga beterano.

Hindi ba ang ganitong pagsisikap ng mga Senador at Kongresista ng US Congress ay isang malaking insulto sa ating mga mambabatas? Wala akong natatandaan kung ang ating mga Senador at Kongresista ay may binalangkas nang panukalang-batas na nagkakaloob ng congressional gold medal sa ating mga beterano. Katunayan, kahit na ang mga kahilingan upang taasan ang kanilang buwanang pensiyon ay nananatili pa ring kakarampot – mga biyaya na nakamatayan na ng marami nating beterano ng WWII. Gayunman, ang medalya ng karangalan at kagitingan para sa ating mga bayaning beterano ay dapat lamang tambalan ng mga benepisyo para naman sa kanilang mga naulila.

Ang pagmamalasakit ng US Congress sa kapakanan ng Filipino war bets ay angkop lamang tumbasan ng ating Kongreso.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Maraming pagkakataon na ang US war vets ay naging kaagapay ng ating mga betererano sa pakikidigma sa mga dayuhang mananakop; dapat ding kilalanin ang kanilang kagitingan sa larangan ng giyera.

Hanggang ngayon, ang puwersa ng US ay malimit na kaagapay ng ating mga kawal at iba pang alagad ng batas sa pagpapanatili ng katahimikan; walang puknat ang kanilang paglahok sa US-Filipino military exercises. Makabuluhan ang manaka-nakang paglalayag ng kanilang mga warship sa ating karagatan, lalo na ngayon na ang ating bansa ay naiipit sa pinag-aagawang West Philippine Sea.

Hindi dapat magkaroon ng mistulang paglalamangan sa pagkakaloob ng congressional gold medal sa Filipino at American veterans. (Celo Lagmay)