Ni Edwin Rollon
Tapik sa balikat ng atletang Pinoy ang pakikiisa at suportang ipinagkaloob ni Pangulong Duterte bago ang pagsabak ng Team Philippines sa Rio De Janeiro Olympics sa Agosto 5-21.
Hindi napigilan ni Marestela Torres-Sunang – sa edad na 34 ang pinakamatandang atleta sa 12-man RP delegation sa quadrennial meet – ang mangilabot at mapaluha sa labis na kasiyahan nang personal silang tanggapin ni Pangulong Duterte sa Malacañang para sa send-off ceremony nitong Lunes.
“Hindi ko maipaliwanag ang damdamin ko. Gusto kong tumawa na napapaiyak ako sa sobrang saya. Napakasimple ng Pangulong Duterte, pero ang bigat ng kanyang pananalita, very inspiring,” pahayag ni Torres-Sunang, tinaguriang SEA Games long jump queen.
“Nagpapasalamat ako sa Panginoon at nabigyan ako ng kalakasan para makasama uli sa Olympics. Kung hindi ako nag-qualify, hindi ko makakaharap ang Pangulong Duterte sa ganitong sitwasyon at hindi ko mararamdaman ‘yung pagpapahalaga niya sa mga atleta na tulad ko,” pahayag ni Torres-Sunang, nakasama sa Olympics sa ikatlong sunod na pagkakataon.
Taliwas sa unang dalawang sabak ni Torres-Sunang sa quadrennial meet, mas matamis ang kanyang pagkakasama sa koponan matapos niyang malagpasan ang Olympic qualifying standard na 6.70 meters nang maitala ang personal best at bagong national record na 6.72 sa torneo sa Kazakhtan.
“Yung first two Olympic stint ko nakuha ko as wild card entry. Iba ngayon, talagang sumabak ako ng toda sa laban para abutin ‘yung qualifying standard. Kaya mas matamis ang pagkakasama ko sa team sa Rio,” sambit ni Torres-Sunang, sumailalim sa maselang pagsasanay sa pangangasiwa ni American coach Jim Lafferty.
“Sa suporta at pangako ni Pangulong Duterte, talagang mas pursigido kami na magmedalya sa Rio Olympics. Lalaban kami ng todo. I’m sure, ang iba pang miyembro ng National Team mas inspired ngayon dahil alam namin na meron kaming team captain na maaasahan. Mas malakas ang loob namin ngayon,” aniya.
Sa send-off ng Rio-bound RP delegation, kauna-unahang kaganapan sa Philippine sports sa nakalipas na anim na taon, ipinangako ni Duterte na higit pa sa P10 milyon na nakatadhana sa batas ang makukuha ng atletang magwawagi ng gintong medalya sa Rio.
“I’ll give you an island,” pabirong pahayag ni Duterte na umani ng palakpakan mula sa delegasyon.
Mula sa mababawing tax sa mga pasaway na negosyante, sinabi ni Duterte na itataas ang kalidad sa pagsasanay ng mga atleta kipkip ang mga makabagong kagamitan at pasilidad.
Itinaas din niya ang allowance ng mga sasabak sa Rio sa US$3,000 mula sa dating US$1,000.
Bukod kay Torres, nakipagbiruan din si Duterte sa iba pang atleta tulad nina Hidilyn Diaz at Nestor Colonia (weightlifting), Ian Lariba (table tennis), Miguel Tabuena (golf), at Kirstie Elaine Alora (taekwondo).