Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr. kahapon na tinanggihan niya ang alok ng mga Chinese na mag-usap sa labas at isantabi ang desisyon ng isang international tribunal noong nakaraang linggo na nagbabasura sa pag-aangkin ng Beijing sa halos buong South China Sea.

Ayon kay Yasay, sinabihan niya ang kanyang Chinese counterpart na si Wang Yi, na ang mga kondisyon ng China ay hindi consistent sa ating konstitusyon at sa pambansang interes. Binalaan diumano siya ni Wang na kapag iginiit ng Pilipinas na sumunod ang China sa desisyon, maaaring mauwi tayo sa komprontasyon.

Sa mga pag-uusap noong nakaraang linggo sa sidelines ng Asia-Europe meeting sa Mongolia, sinabi ni Yasay na iginiit ni Wang na hindi dapat maglabas ng anumang komento ang Pilipinas sa makasaysayang desiyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague.

“[Wang] asked us also to open ourselves for bilateral negotiations but outside of and in disregard of the arbitral ruling, so this is something that I told him was not consistent with our constitution and our national interest,’’ sabi ni Yasay sa isang panayam sa telebisyon.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“They said that if you will insist on the ruling and discussing it along those lines, then we might be headed for a confrontation,” aniya.

Sa kabila ng mga pagmamatigas, sinabi ni Yasay na umaasa pa rin siya na makahahanap ang dalawang bansa ng paraan para resolbahin ang matagal nang alitan, isinuhestyon na posible pang magbago ang posisyon ng China.

Sinabi ni Yasay na hiniling niyang payagan ang mga Pilipino na makapangisda sa Scarborough Shoal, kung saan nakaharang ang mga barko ng Chinese coast guard at itinataboy ang mga bangkang pangisda simula nang samsamin nito ang pinagtatalunang fishing area matapos makipaghamunan sa mga barko ng gobyerno ng Pilipinas noong 2012.

Sumagot si Wang na bukas ang China sa pagtalakay sa posibilidad na ito “but not in the context of the arbitral tribunal ruling,’’ sabi ni Yasay.

Nang ilabas ng tribunal ang desisyon, iniwasan ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdiwang upang hindi magmukhang kontrabida ang China.

Ngunit naging assertive ang tono ni Yasay nitong Martes.

“Let me say that the arbitral tribunal had really debunked in no unmistakable terms the position of China in so far as the nine-dash line is concerned,’’ sabi ni Yasay. - AP