Humihingi ng saklolo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang may 40 overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia na umano’y nakakaranas na ng matinding harassment at hindi na rin pinapasweldo ng kanilang employer, kung saan nais lang ng mga ito na mapauwi na sila sa bansa.

Sa kanilang complaint letter na ipinadala sa Balita, ang OFWs na empleyado ng Aljalal Trading Est. Sakaka, hindi na sila nagtrabaho matapos na hindi makatanggap ng sweldo na tumagal na ng dalawa hanggang pitong buwan.

Ang nasabing liham ay nilagdaan nina Benjamin Mandi, Emmanuel Francisco, Kasry Abdurasa, Jenne Omalay, Juliet Omalay, Bai Rohana,  Mylene Rillera, at Myrne Mallorca.

Ayon sa kanila, ang mga apektadong OFWs ay nagtatrabaho bilang hospital cleaners at hospital workers sa Aljalal companies na kinabibilangan ng Al Gurayat Psychiatric Hospital, Tabarjal General Hospital, Sakakah Psychiatric Hospital, at Abuajram General Hospital. Ang Aljalal ay sakop ng Starway Agency Philippines.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Sana po sa pamamagitan ng sulat na ‘to mapaabot po namin kay Mr. President (Rodrigo) Duterte ang inaasam naming pag-uwi ng Pilipinas” ayon sa OFWs.

 Sinabi ng OFWs na na nagpadala na sila ng complaint sa Starway noong December 2015. Nitong Mayo 25, taong kasalukuyan, nagpadala uli sila ng liham at sinasabing hindi na sila pinapasweldo.

Samantala ang napala nila ay ang payo umano ng Starway na huminto na sila sa pagtatrabaho upang maparalisa ang operasyon ng kanilang pinagtatrabahuan.

Hindi rin umano sila nakatanggap ng sapat na assistance mula sa OWWA at POLO, kung saan lagi umanong sinasabi sa kanila na idulog na lamang sa Saudi labour ang kanilang reklamo. Isang OFW umano ang tumugon, ngunit hindi rin ito naaksyunan ng Saudi agency.

Sumubok na rin umano sa OFW family club, kung saan sa tulong ni Mr. Roy Seners Jr., medyo naaksyunan ang complaints na isinampa sa OWWA at POLO o Philippine Overseas Labour Office na nakabase sa Riyadh.

Sa pakikipag-usap sa employer, nagkasundo umano na ibibigay muna ang isang buwang sweldo ng OFWs at ang balanse ay ibibigay naman pagkatapos ng Ramadan. Hindi umano ito naisakatuparan.

Nang ipabatid sa POLO official, pinayuhan umano sila na magsumbong sa pulis. “Naniwala kami sa mga sinabi niya (isang POLO official). Naghanap kami ng pulis station para magreport kahit alam naming bawal maglakad at lumabas para sa aming mga babae. Sa state po ng utak namin that time gagawin naming kahit bawal. ‘Yun din kasi utos ni (Mr) Nadora samin, ‘di na kami nag-isip until sa narinig naming made-detain daw kami ng 6 months sa kulungan kaya umatras po kami sa pag-complain,’’ ayon sa OFWs.

Sapagkat lahat na ng paraan ay ginawa ng nabanggit na OFWs ngunit nabigo, nananawagan ang mga ito sa Pangulo na kaunin sila at pauwiin na sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan ay kinukupkop pa umano sila sa Aljalal, maayos pa ang pisikal na kalusugan, ngunit mentally at emotionally burdened na umano sila sapagkat matagal nang walang naipapadala sa kanilang pamilya. - Franco Regala