Ipinag-utos ni Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno sa Philippine National Police (PNP) na bantayan ang cargo truck drivers at pahinante ng mga ito, matapos makumpirma na gumagamit ng ilegal na droga ang ilan sa mga ito bago sumabak sa mahabang biyahe.
Iniutos din ni Sueno sa mga lokal na pamahalaan na bantayan at imbestigahan ang mga karinderya sa daan na hinihintuan ng mga truck driver sapagkat doon umano nakakabili ng marijuana at shabu ang mga ito.
“This bad habit of truck drivers of taking illegal drugs to enable them to drive long distances is very, very dangerous because as these drugs wear off, their driving ability will be impaired, which may lead to road accidents,” ayon kay Sueno.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang DILG na nakakabili ng droga sa roadside eatery ang mga drayber at kanilang pahinante, dahilan upang dapat agad nang kumilos ang mga pulis at barangay officials.
Iminungkahi rin ni Sueno na dapat isailalim sa drug test ang truck drivers tuwing nagre-renew ng lisensya ang mga ito. (Chito A. Chavez)