Nagbubunyi ang lahat sa bawat klasikong bira ni Jeson Patrombon, ngunit hindi sapat ang ingay ng home crowd para makalusot ang Pinoy sa kanilang Group 2 tie laban sa Chinese-Taipei.
Nakabangon mula sa unang set na kabiguan si Taiwanese ace Ti Chen tungo sa dominanateng 3-6, 7-6 (7-4), 6-0, 6-1 panalo kontra kay Patrombon para ibigay sa Chinese-Taipei ang 3-1 panalo kontra Team Philippines sa Davis Cup Asia/Oceania Group 2 semifinal nitong Linggo, sa Philippine Columbian Association (PCA) court sa Paco, Manila.
Nakapanghihinayang ang kabiguan ng Pinoy, higit ay naidikit ang serye sa 1-2 matapos ang panalo sa doubles event nina Fil-Am Treat Huey at Ruben Gonzales kontra kina Jui-chen at Wang Chieh-fu, 6-7 (9-7), 6-2, 6-3, 6-4 nitong Sabado.
Pinangunahan ni Chen ang hataw ng Taiwanese nang gapiin si Gonzales, 6-2, 2-6, 6-2, 6-2 sa first single match nitong Biyernes, bago nasundan ng malaking panalo ni Huang Liang-chi kontra kay Francis Casey Alcantara (retired) bunsod ng pulikat, 6-1, 3-6, 6-7 (4), 6-1, 1-0.
“We are not outclassed. We were there every match. But in a nutshell, ‘Sayang,”’ sambit ni non-playing captain Karl Santamaria.
Ikinalugod naman ni Philippine Davis Cup team manager Jean Henri Lhuillier ang ipinamalas na tapang ng Pinoy at iginiit na makakabalik ang local netter sa susunod na taon.
“We had our chances in this match. I’m still very proud of our boys as they went toe-to-toe with their higher ranked opponents. We’ll bounce back next year,” pahayag ni Lhuillier.