SA nakalipas na apat na dekada, ang ilog sa Angono ay isa sa naipagmamalaking yamang-tubig ng mga mamamayan sa nasabing bayan sa Rizal. Ang tubig sa ilog na nagmumula sa bundok ay malinaw. Umaagos patungo sa Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Angono. Nagagamit ng mga magsasaka sa kanilang pinag-arawan sa pamamagitan ng irigasyon.
Napaglalabahan ng mga ginan. Sa ilog din lumalangoy at naliligo ang mga batang babae at lalake. Naipapasok ng mga mangingisda sa Laguna de Bay ang kanilang mga bangka. May gantungan sila sa tabi ng ilog malapit sa kanilang bahay.
Bumaha man tuwing sasapit ang tag-ulan, hindi umaapaw ang tubig sa bayan. Tuluy-tuloy ang malakas na agos nito sa Laguna de Bay. Matapos ang pagbaha, bumabalik sa normal ang taas ng tubig sa ilog. Tuwing Sabado at Linggo, masayang namamangka ang mga binata at dalaga sa Angono. Nagagamit din ang tubig sa ilog na inumin ng mga alagang itik na isa sa hanapbuhay ng mga taga-Angono bukod pa sa pangingisda sa Laguna de Bay at pamamasukan sa pabrika sa mga karatig-bayan.
Ngunit dahil sa ragasa ng pababago, unti-unting ring nagbago ang magandang kalagayan ng tubig sa ilog ng Angono. Sa kawalan ng malasakit sa kalikasan at kapaligiran noong 1967, binigyan ng permit ng mayor noon ang isang mayaman at maimpluwensiyang negosyante upang makapagtayo ng “crushing plantl.” Palibhasa’y magandang mina ng mahusay na bato, sinimulang durugin ang bahagi ng bundok ng Barangay San Isidro at Barangay San Roque. Naidagdag pa ang pagtatayo ng mga subdivision sa paanan ng bundok at ng isang golf course sa isang bahagi ng bundok ng Angono. Mabilis bumaba ang ilog sa Angono sapagkat ang malapot na pinaghugasan ng mga batong dinurog ay umagos pababa sa ilog. Bumabaw at nagkaroon ng siltation. At kapag malakas ang ulan at bumaba, lubog sa tubig-baha ang mga barangay na nasa tabi ng ilog ng Angono. Lampas bukung-bukong at tuhod ang putik na naiwan ng baha sa kalsada at loob ng bahay ng mga taga-Angono. Walang magawa ang mga binaha kundi murahin sa dasal ang mga nagsabuwatan sa pagtatayo ng crushing plant.
Unti-unting nalunasan ang matinding pagbaha sa Angono kapag umaapaw ang ilog noong 1997. Pinagsikapan ni Mayor Gerry Calderon na ilunsad ang rehabilitasyon sa ilog ng Angono. Tinawag ang proyekto na “Oplan Hukay-Ilog sa Angono.” Ang proyekto ay inilapit ni Mayor Calderon kina dating Rizal Gov. Casimiro Ito Ynares, Jr. at Rizal Congressman Bibit Duavit. Naging bahagi ng proyekto na paluwagin ang bukana ng ilog sa tabi ng Laguna de Bay upang tuluy-tuloy ang tubig-baha sa lawa kapag bumabaha. Gayundin ang paglalagay ng mga dike sa tabi ng ilog. At tuwing tag-araw, ang Oplan-Hukay Ilog ay patuloy na inilulunsad ng pamahalaang bayan sa suporta ng pamahalaang panlalawigan. Dahil sa nasabing proyekto, ang pag-apaw ng tubig sa mga barangay na nasa tabi ng ilog ng Angono ay naiwasan. Pinatibay na rin ang mga dike sa tabi ng ilog upang hindi gumuho kapag malakas ang ulan at agos ng tubig kapag bumabaha.
(Clemen Bautista)