Unang sasabak sa aksiyon para sa Team Philippines si table tennis ace Ian Lariba sa Rio Olympics na magsisimula sa Agosto 5-21.

Ang UAAP Athlete of the Year mula sa La Salle ng pinakaunang Pinoy athlete na lalaban at susubok sa kakayahan ng international talent sa quadrennial meet.

Nakakuha ng tiket sa Rio si Lariba matapos magwagi sa pinakamataas na walong puwesto sa ginanap na qualifying tournament sa Hong Kong noong Abril.

“I will give everything and play the best games ever of my life,” pahayag ni Lariba, kagagaling lamang sa paglahok sa Asian University Games sa Singapore na nagsilbing niyang paghahanda at pagsasanay bago magtungo sa Brazil.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

Sabay-sabay na magtutungo sina Lariba at mga kapwa Rio Olympian sa Hulyo 23.

Maliban kay Lariba, ang iba pa na nakapagkuwalipika ay sina Kirstie Elaine Alora ng taekwondo, Rogen Ladon at Charly Suarez sa boxing, 400m hurdler Eric Cray, marathoner Mary Joy Tabal at long jumper Marestella Torres-Sunang sa athletics, at ang weightlifters na sina Nestor Colonia at Hidilyn Diaz.

Hinihintay na lamang ang pagpapahayag sa pangalan ni Miguel Tabuena para sa golf, gayundin ang dalawang swimmer na sina Jasmine Alkhaldi at Jessie Khing Lacuna na isinumite na ang pangalan sa IOC Sports Entries Department.

Pasok din sa golf event si one-time Philippine Open champion Angelo Que, ngunit umatras ito bunsod ng pangamba sa Zika virus. (Angie Oredo)