HINDI na marahil maiiwasan na masampahan ng mga kaso ang ilang dating opisyal matapos magdesisyon ang Korte Suprema noong Hulyo 1, 2014 na ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na ipinatutupad ng Malacañang at ng Department of Budget and Management (DBM) ay labag sa batas sa tatlong probisyon nito—ang paglikha ng savings bago pa magtapos ang fiscal year, ang paglilipat ng savings mula sa isang sangay ng gobyerno patungo sa isa pa, at ang paglalaan ng pondo sa mga proyektong wala sa General Appropriations Act.
Noong nakaraang linggo, inihain sa Office of the Ombudsman ang mga kaso ng malversation, graft, at usurpation of legislative powers laban kina dating Pangulong Benigno S. Aquino III at dating DBM Secretary Florencio Abad kaugnay ng pagpapalabas nila ng pondo mula sa DAP na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng P144.4 bilyon noong 2013. Naghintay ang mga complainant hanggang sa matapos ang administrasyong Aquino upang maihain ang kaso, dahil hindi maaaring kasuhan sa korte ang isang naluluklok na Pangulo; maaari lamang siyang ma-impeach sa Kongreso, at litisin sa Senado.
Matapos na ibaba ng Korte Suprema ang desisyon nito noong 2014, sinabi ni Secretary Abad na ang DAP ay isang programang idinisenyo ng kanyang kagawaran upang mapabilis ang paggastos at kalaunan ay mapasigla ang ekonomiya.
Inihayag naman ng Malacañang na ang mga may akda, sponsor, at tagapagpatupad ng DAP ay dapat maunawaan sa mabuting intensiyon ng mga ito.
Gayunman, sa naging pasya nito ay sinabi ng Korte Suprema na kailangang mapatunayan sa proseso ng korte ang katotohanan sa mabuting intensiyon.
Hindi nagkaroon ng oportunidad sina Pangulong Aquino at Secretary Abad na mapatunayan ang mabuti nilang intensiyon dahil wala namang kasong may kaugnayan sa DAP ang naisampa laban sa kanila sa alinmang korte. Ngayon lamang naghain ng mga kaso ang sampung grupo—kabilang ang Volunteers Against Crime and Corruption, Bayan Muna, Bagong Alyansang Makabayan, at Alliance of Concerned Teachers—laban sa dating Pangulo sa Ombudsman, at inaasahang ihaharap ng Ombudsman ang mga kasong ito sa Sandiganbayan.
Ang kaso, sakaling litisin na sa korte, ay isang magandang oportunidad upang patunayan ang mabuting intensiyon sa DAP.
At pagkatapos, kailangang magpasya ang korte kung ang mabuting intensiyon at ang paniniwala sa kawalang bahid ng anomalya ay sapat na upang mapagtagumpayan ang tatlong usaping konstitusyunal ng (1) paglikha ng savings bago pa magtapos ang fiscal year, (2) ang paglilipat ng mga pondo, at (3) ang paglalaan ng pondo sa mga proyektong wala sa General Appropriations Act. At kung ang mga ginawa nina dating Pangulong Aquino at Secretary Abad ay kumakatawan sa malversation, graft, at usurpation of legislative powers.