Dapat nahubaran na ng titulo si IBF super flyweight champion McJoe Arroyo dahil mahigit isang taon na niyang hindi naidedepensa ang kanyang korona pero patuloy niyang iniiwasan si mandatory challenger Jerwin Ancajas ng Pilipinas.
May ulat na pineke ni Arroyo ang kanyang injury para makaiwas sa depensa kay Ancajas noong Abril 30 sa Bacoor City, Cavite dahil batid niyang mahuhubaran siya ng titulo kapag kumasa sa walang talong Pinoy.
Sa ulat ng BoxingScene.com, pinalabas pa ni Arroyo na siya ang nadehado sa purse bid na isinagawa ng IBF matapos itong mapanalunan ng international promoter na si Sampson Lewkowicz para sa MP Promotions ni Sen. Manny Pacquiao.
“No one was to represent me in the purse bid. To care for the champion you must go to the purse bid, but that’s over,”reklamo ni Arroyo na halatang takot lumaban sa labas ng Puerto Rico at United States. “The rules say I get to 85% and the rest for the challenger. The problem is that the minimum is $25,000. I have to consider whether I should go to the Philippines to risk the title.”
“You work hard to become champion and then make some defenses for best money to secure the future, but it is an uphill struggle. We want to fight, but everything is difficult,” ayon kay Arroyo, nagkampeon sa kontrobersiyal na paraan matapos itigil ng Puerto Rican referee ang laban nang binubugbog na siya ng Pilipinong si Arthur Villlanueva noong Hulyo 17, 2015 sa El Paso, Texas para magwagi sa technical decision.
Gusto ni Arroyo na siya ang masunod sa petsa at lugar ng kampeonato kaya pinilit niyang maikasa ang kanyang depensa sa Hulyo 30 sa New York sa unification bout nina Leo Santa Cruz ng Mexico at Carl Frampton US sa Barclays Center pero hindi pumayag ang kampo ni Ancajas. (Gilbert Espeña)