ITINUTURING ni Coco Martin na malaking karangalan kung matutupad ang pangarap niyang makatrabaho si Sharon Cuneta.
Mukhang magkakaroon naman ng katuparan ang pangarap na ito ng Primetime and Drama King dahil ang latest na narinig namin ay pinaplantsa na ng Star Cinema ang pagsasama ng dalawa sa isang pelikula.
“Bilang artista, isang karangalan na makatrabaho ko ang isang Sharon Cuneta. Kasi idolo siya ng nanay at tatay ko.
Napakasarap sa pakiramdam na ‘yung maliliit na bagay na natutupad dahil makakatrabaho ko si Ms. Sharon,” sey ng bida ng FPJ’s Ang Probinsiyano.
Nagpapahayag din ng interes si Ate Shawie na gusto rin niyang makasama sa isang movie si Coco Martin.
Ayon kay Coco, matagal na siyang nakaisip ng konsepto na alam niyang babagay para sa kanila ng megastar.
“After po ipalabas ang Beauty and the Bestie namin no’n ni Vice, itinawag ko noon kay Direk Wenn, sabi ko, ‘May naisip po akong concept,’ sabi niya, ‘Ano ‘yon?’ ‘Tapos ikinuwento ko ‘yung story ng magnanay ‘kaso ang kasama ko rito si Ate Shawie. ‘Ang ganda niyan!’ sabi niya ‘tapos, ‘Tawag tayo sa Star Cinema.’ Sabi ko, ‘Direk, ikaw na bahala,’ then itinawag na niya,” kuwento ng premyadong actor.
Tuwang-tuwa na nga raw noon si Coco at inihanda na niya ang sarili para sa pagsasama nila ni Ate Shawie sa pelikula pero biglang pumasok at naging busy na siya nang husto sa Ang Probinsyano.
Kaya inihanda na niya noon ang sarili na kapag nagkaroon siya ng break sa Ang Probinsyano ay isisingit niya ang first time ever na pagsasama nila ni Sharon. Pero bigla namang pumanaw si Direk Wenn.
Gayunman, napag-usapan naman daw nila ni Ms. Malou Santos ang proyekto at ipinagdarasal ni Coco ngayon na sana ay matupad at mapagbigyan ng Star Cinema ang pangarap niya.
Samantala, masaya si Coco sa mga pagbabagong nangyayari ngayon sa Pilipinas under the administration of President Rodrigo Duterte lalo na sa malawakang pagsugpo sa droga at krimen sa pamumuno ni PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa.
Ito rin naman daw ang advocacy nila sa FPJ’s Ang Probinsyano.
“Honestly, masaya po ako,” sey ni Coco, “kasi, dati po, siyempre lahat tayo may pamilya, ako, sobrang concerned ko sa family ko na every night, kinakabahan ako kung nasa bahay ba ang pamilya ko, kung nakauwi ba sila nang maayos.
“Ngayon, alam n’yo po ‘yung pakiramdam ko? ‘Yung mga kriminal ang takot du’n sa nangyayari. Na parang ang feeling ko, dahan-dahan, na kung ako man, makakalakad na ako nang maayos. Kasi, di ba, dati, parang feeling mo, ‘pag may madilim, parang feeling mo, may something dito. Ngayon, feeling ko, ‘yung mga kriminal, ‘yung mga gumagawa ng ano, sila mismo ‘yung natatakot.
“Sabi ko nga, siguro, hindi 100% na tama o maganda ‘yung nakikita natin or lahat tayo sang-ayon. Pero ang importate sa akin, may nakikita na akong pagbabago kagaya ng sinabi nila. Ang importante naman talaga, ‘yung totoong kumikilos, eh. At totoong ipinatutupad nila at ginagawa nila kung ano ‘yung ipinangako nila. Kaya sobrang saya ko po sa mga nangyayari ngayon,” pag-amin pa ni Coco Martin. (JIMI ESCALA)