BEIJING (AP, AFP) – Sinabi ng China noong Lunes na isasara nito ang isang bahagi ng South China Sea para sa military exercises ngayong linggo, ilang araw matapos magpasya ang Hague-based Permanent Court of Arbitration laban sa pag-aangkin ng Beijing sa halos kabuuan ng mahalagang daluyan ng tubig.
Nagpahayag ang maritime administration ng Hainan na isang lugar sa timog silangan ng probinsiya ang isasara mula Lunes hanggang Huwebes ngunit hindi nagbigay ng detalye tungkol sa exercises. Wala pang komento ang navy at Defense Ministry.
Ayon dito, isasagawa ang military exercises mula Martes hanggang Huwebes, idinagdag na ipinagbabawal ang pagpasok sa nasabing lugar, na ilang distansiya ang layo mula sa Paracel islands at Spratlys.
Ibinasura ng China ang desisyon ng tribunal sa kaso na isinulong ng Pilipinas at tumanggi itong makisali sa arbitration. Sumagot ito sa paggigiit na ang kapuluan sa South China Sea ay “China’s inherent territory” at maaari itong magdeklara ng air defense identification zone sa ibabaw ng mga itinuturing nitong nanganganib na tubig.
Nagpasya ang tribunal na nilabag ng China ang international maritime law sa pagtatayo ng mga artipisyal na isla na sumira sa mga coral reef at nakaabala sa pangingisda at oil exploration.