BUMABA ngayon ang bilang ng krimen mula nang magsimula ang kampanya laban sa ilegal na droga, sabi ni PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa. Pero, dumarami naman ang pinapatay na nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nagmimistulang killing field na ang bayan. Hindi krimen ang mga ito sa pagtaya ni PNP Chief. Ang pumapatay kasi ay mga pulis na kanyang pinamumunuan. Kaya, sa kanya, ang patayin ang kriminal ay paraan ng pagsugpo ng krimen. Maaaring nabawasan ang krimen, pero naging gubat na ang bansa.

Naging gubat na ang bansa dahil hindi batas ang ipinanglalaban sa mga lumalabag nito. Ang ginagamit ng mga pulis ay baril para mapairal ang batas. Kaya, hindi ko nakikita ang kaibahan ng mga pulis sa mga kriminal na kanilang pinapatay. Hindi sila naiiba sa kabila na ginagamit nila ay kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ng taumbayan. Ang tangan nilang baril ay awtoridad ng mamamayan para pairalin ang batas, hindi para pairalin ang kanilang lakas.

Sa pagdagsa ng mga napapatay, lubhang gasgas na ang katwiran ng mga pulis na ang mga napatay na sangkot sa droga ay lumaban. Wala na raw silang magawa kundi ang barilin ang napatay. Kung hindi sa liblib na pook, o kaya sa kalye, sa loob ng mga barung-barong nakikita ang mga nakatimbuwang na mga bangkay. Pero, may mga nangyayari nang pagpatay na hindi lamang umiiyak ang mga kamag-anak ng mga napatay kundi matindi ang galit na isinisigaw nila na wala silang kasalanan o kaya hindi nanlaban ang mga ito tulad ng sinasabi ng mga pulis. Kaya lang nga, hanggang dito na lamang humahantong ang kanilang paghihinagpis.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang mabigat na problema ngayon ay parang hindi na pinapansin ng mamamayan ang mga nagaganap dahil marahil sa pagnanais nilang maging ligtas sila at mapayapa ang kanilang ginagalawan. Dahil dito, isinasaalang-alang ito ng mga pulis na lisensiya para sila pumatay. Higit na magbubunga ito ng lalong hindi kanais-nais na sa dulo ay pagsisihan nating lahat. Puwedeng sa pagpatay sa mga sinasabing sangkot sa droga, hindi lang ilegal na droga ang nalalapatan ng lunas kundi ang iba pang krimeng nagaganap kaugnay sa droga. Mayroon na nga pinatay dahil sa ibang krimen na walang kinalaman dito. Paano kung ang pinapatay na ay mga inosenteng sibilyan at sabihin sila ay sangkot sa droga o anumang krimen? Kahit bumaba ang bilang ng krimen sa paraang ginagawa ngayon, talo dito ang batas at matinong gobyerno. 

(Ric Valmonte)