MAKALIPAS ang paghihintay sa magiging bunga ng iniharap na kaso ng Pilipinas laban sa China sa International Arbitration Court sa pag-aangkin ng China sa mga lugar na sakop ng Pilipinas sa Souh China Sea o West Philippine Sea (iniharap ang kaso noong 2013), nagdesisyon na ang international tribunal sa The Hague pabor sa Pilipinas inilabas ang desisyon nitong Hulyo 12. Binigyang-diin na walang legal na basehan ang China para angkinin ang mga lugar sa South China Sea na nakapaloob sa idineklara nitong “nine-dash line”. Sa bahagi ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration, binanggit ng korte na ang karapatan na iginigiit ng China sa mga kayamanan sa tubig ay walang bisa dahil incompatible ang mga ito sa “exclusive economic zone” (EEZ) na itinakda ng United Conventions on Law of the Seas (UNCLOS). Ang nabanggit ay ang isa sa mga konklusiyon ng Unanimous Award na inisyu ng Permanent Court of Arbitration na nakapaloob sa arbitration case na idinulog ng Pilipinas laban sa China.  

Napatunayan din ng Tribunal na nanghimasok ang China sa petroleum exploration ng Pilipinas sa Reed Bank. Tinangkang pigilin ang mga mangingisdang Pilipino sa loob ng exclusive economic zone (EEZ)at nabigong pigilan ang mga mangingisdang Intsik sa loob ng EEZ ng Pilipinas sa Mischief Reef (Panganiban Reef), at Ayungin Shoal. 

Inaangkin ng China ang halos kabuuan ng South China Sea kasama ang EEZ ng Pilipinas at ng tatlo pang bansa ng Southeast Asia tulad ng Brunei, Malaysia, at Vietnam. At upang maipagpatuoy ang pag-aangkin ng China, nagtayo ng mga artipisyal na isla sa may pitong reef ng Kapuluan ng Spratly. Walang pakialam kahit nasira ang mga coral reef. May mga airstrip na ginawa na maaaring tumanggap ng malalaking military aircraft. Nanghimasok sa tradisyunal na mga karapatang mangisda ng mga Pilipino sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal) na may 210 kilometro mula sa baybayin ng Zambales. Ang mga mangingisdang Pinoy ay itinataboy at binobomba ng tubig ng mga coast guard ng China. Ang Panatag Shoal at Reed Bank ay saklaw ng 370 killometro ng EEZ ng Pilipinas.

Nagalak at halos magbunyi ang marami nating kababayan sa naging desisyon ng Tribunal na pabor sa Pilipinas. Sa marami nating kababayan, tagumpay ito ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Isang pangkat ng mga Pilipino at Vietnamese ang nagdiwang sa Manila Bay. Isang malaking watawat ng Pilipinas ang itinaas upang ipakita ang suporta sa nagkakaisang desisyon ng Un-backed tribunal na ibinasura ang pag-aangkin ng China sa halos kabuuan ng South China Sea kasama ang EEZ ng Pilipinas. Ang problema, sa simula pa lamang ng pagdinig sa kaso ay hindi na lumahok ang China. Paulit-ulit na tinanggihan ang desisyon ng Tribunal at sinabing ang ginawa ng korte ay ilegal at may kinikilingan. 

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ngayong natalo sa kaso, ayaw din tanggapin ng China ang desisyon at ayaw ding kilalanin ang utos ng UN backed tribunal. Sinisi pa ang Pilipinas sa pagpapainit ng gulo at naglabas ng policy paper na tinatawag ang kapuluan sa South China Sea na “inherent territory” nito.