HINDI na ma-access ang Instagram account ni Sunshine Dizon pagkatapos niyang mag-post ng, “My email and ig account was hacked last night. My Globe line was declared lost during my birthday, na-reconnect ko pa ng hapon pero pinahold pa din nu’ng kinagabihan, and upon checking they said that apparently my husband did not authorize me to make any amends for the said line even if I had over payment of 11 thousand pesos at kahit hindi talaga nawawala ang telefono.
Kagabi nang malaman kong na-hack at na-delete na email ko I tried to recover it, sa notifications lumabas na may naglalagay as recovery number ay ang linyang pina-hold ko.”
Walang binanggit na pangalan si Sunshine kung sino ang nag-hack ng IG at Facebook account niya, ang netizens na ang nagsabing baka kaya hinack ang social media account ng aktres para mawala ang mga ebidensiya na maaaring nakaimbak doon.
Kabilang sa pictures na ipinost ni Sunshine sa IG ay picture ng babaing diumano’y dahilan ng paghihiwalay nila ng dating asawa. Naka-post din doon ang nalamang same condo building lang sila nakatira ng diumano’y GF ng dating asawa.
Maraming ebidensiya si Sunshine na nawala sa pagkaka-hack ng social media account niya.
Hindi nakausap ng mga mga reporter si Sunshine sa presscon ng Encantadia dahil pagkatapos ng press presentation o pagpapakilala sa buong cast ng fantaserye, umalis na siya.
Sabagay, maganda ang ginawa niya na hindi na nagpa-interview at baka kung ano pa ang masabi at mabanggit ang mga kasong isinampa sa asawang si Timothy Tan. Para rin maiwasan ang mga akusasyon kay Sunshine na ginagamit niya ang isyu sa kanila ng asawa para kaawaan siya ng netizens.
Ang balita, sa nakaraang hearing ng Anti-Violence Against Women and Children na ginanap sa Quezon City Fiscal’s Office hindi muna pinapunta si Sunshine. Hindi rin daw dumating ng asawa ni Sunshine at wala rin itong representative.
Sa July 28 ang next hearing sa nasabing kaso at hindi pa alam kung kailangan ang presence ni Sunshine at ng estranged husband niya.
Samantala, ginagampapan ni Sunshine sa Encantadia ang role ni Adhara na naging reyna ng Lireo nang mamatay ang pumalit kay Cassiopeia na si Demetria. Magaling na pinuno si Adhara. Siya ang nagpalaki sa army ng Lireo, humubog sa mga kawal ng kanilang kaharian, ngunit gusto niyang palakihin pa ang kanilang teritoryo. Iyon ang naging dahilan para magdesisyon ang mga diwata na kailangan nila ng bagong reyna at si Mine-A (Marian Rivera) ang pipiliin ng mga taga-Lireo.
Si Adhara ang bagong twist sa Encantadia na wala sa orihinal na version ng fantaserye. Siya ang tatahi ng requel at sequel, kaya importante at malaki ang partisipasyon niya sa fantaserye.
Mamaya nang 7:45 PM, pagkatapos ng 24 Oras ang grand pilot ng Encantadia na ibinalik ng GMA-7 after 11 years. Si Mark Reyes pa rin ang director ng malaking fantaserye na may malaking cast. (NITZ MIRALLES)