DAHIL nasa kainitan ang kampanya ng bagong administrasyon laban sa ilegal na droga sa buong bansa, ito halos ang laman ng mga pahayagan, radio, telebisyon, at lalo na sa bagong medium sa ngayon – ang social media– sinusubaybayan ng sambayanang Pilipino kung paano tutuparin ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang kanyang pangunahing pangako noong panahon ng kampanya.
Maging sa kolum kong ito ay ‘di ko magawang magbago agad ng paksa dahil sobrang bilis ng balita hinggil sa ilegal na droga na kinakailangang maipahatid agad sa mga mambabasa.
Ang ilan pa nga sa ating mga tagasubaybay ay nagti-text, tumatawag at nag-i-email ng kanilang sariling suliranin hinggil sa droga, nagbibigay ng mga “TIP” laban sa mga tao o grupong ilegal na droga ang lakad sa kanilang mga lugar.
Ang mga impormasyong medyo kumplikado ay direkta ko nang ibinigay sa mga kaibigan nating operatiba ng Philippine National Police (PNP) para sa kanilang desposisyon, at yung iba naman ay pinili kong isulat dito sa kolum.
Ang napansin ko rito sa mga sumbong sa akin ay may mga lugar na noong dekada 70’ palang ay sobrang sikat nang bilihan ng mga ipinagbabawal na gamot pero hanggang ngayon kilala pa rin ang mga lugar na ito sa parehong ilegal na mga bisyo at gawain. Halos apat na dekada na ang nagdaan pero yun pa rin ang negosyo ng ilan sa mga tagaroon.
Hindi ko na babanggitin kung saan ang mga lugar na ito dahil baka makatulong pa ako na makilala sila at dayuhin ng mga adik sa ngayon.
Sabi ng isang texter, sa Alley 40, Lakas-Tao, Cainta, Rizal may isang pamilya roon na shabu raw ang negosyo, alam na alam daw ito ng mga taga-barangay pero wala umano silang ginagawa laban sa pamilya.
Sa mga kalye ng Quiricada, Tayabas at Almeda sa Tundo ay talamak umano ang mga pag-score at pagbatak ng shabu, ayon sa isa pang texter.
Mungkahi naman ng isang taga-Las Piñas ay ipa-drug test daw ang mga tricycle driver sa biyaheng Casimiro - CAA at marami raw silang nakikita na mga gumagamit ng ilegal na droga.
Sa bayan daw ng Ampatuan, Maguindanao listahan lang ng mga hinihinalang adik ang dinadalang mga operatiba sa gymnasium kung saan tinitipon ang mga sumusuko. Nagtatanong ang texter kung bakit parang espesyal yata ang pakikibagay ng mga taga-PNP sa mga ito.
Contact: Globe: 09369953459/Smart: 09195586950/Sun: 09330465012 o kaya’y mag-email sa: [email protected]
(Dave M. Veridiano, E.E.)