Upang mabawasan ang red tape sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Land Transportation Office (LTO), hiniling ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na palawigin ang bisa ng pasaporte mula sa limang taon gawin itong sampung taon, habang ang driver’s license naman ay gawing limang taon mula sa isang taon.
Aniya, sa ganitong paraan ay mababawasan ang red tape sa mga nasabing ahensya ng pamahalaan.
“Except for student permits and new licenses, all drivers’ licenses shall be valid for five consecutive years reckoned from the birthdate of the licensee, unless sooner revoked or suspended. This is not an unconditional permit to drive for five years. Rules allow for early disenfranchisement if the holder is a serial violator of traffic rules,” nakasaad sa panukala ni Recto.
Sa hiwalay na panukala, sinabi naman ni Recto na ang pagpapalawig sa pasaporte ay malaking tulong sa Overseas Filipinos Workers (OFWs) .
Aniya, karamihan sa mga OFWs ay mayroon lamang bakasyon na dalawang linggo hanggang isang buwan, habang ang pagbabago ng pasaporte ay aabot naman sa 15-araw bukod pa sa pag-aantay ng appointment.
“This might be too short a time for OFWs to secure new passports. Many spend their entire vacation in queues for multiple government-issued permits needed for their employment,” ani Recto.
Nilinaw naman ni Recto na hindi nito saklaw ang mga menor de edad at bibigyang kapangyarihan din ang Secretary of Foreign Affairs na liimitahan ang bisa ng pasaporte kung sangkot ang isyu sa national security at usaping kalusugan. - Leonel Abasola