Isinalba ng tambalan nina Treat Conrad Huey at Ruben Gonzales ang kampanya ng Pilipinas matapos ang matikas na pagbalikwas nitong Sabado ng hapon sa pagtatala ng 6-7 (9-7), 6-2, 6-3 at 6-4 panalo sa doubles event kontra sa Chinese Taipei sa Asia/Oceania Group 2 semifinal tie, sa Philippine Columbian Association (PCA) sa Paco, Manila.
Nahugot ng tambalan nina Huey at Gonzales ang timpladong paglalaro sa ikalawang set upang talunin ang pares nina Hung Jui-Chen at Wang Chieh-fu sa laban na umabot sa halos apat na oras.
Bahagyang nakahinga ang Pilipinas bunga ng panalo na nagtulak dito para sa susunod na krusyal na reverse singles. Naunang winalis ng Taiwanses ang unang dalawang singles event nitong Biyernes.
“We came out with some great shots when the game is on the line. It was a great match-up and we responded well to the pressure,” sambit ni Huey. “The energy is good.”
Kinuha ni Gonzales ang puwestong nakalaan kay Jeson Patrombon sa huling minuto bago isagawa ang laro upang bubuuin ang pinakamalakas na pares para sa Pilipinas matapos itala ang Taiwanese ang 2-0 abante.
Kinakailangan ngayon ng mga Pinoy na lampasan ang matinding hamon sa reversed singles para patatagin ang kampanya na makabaliks sa Group 1 tie.
Nakatakdang sumagupa sina Gonzales at Francis Casey Alcantara kontra sa Taiwanese top player na sina Ti Wang at Juang Liang-chi, ayon sa pagkakasunod. - Angie Oredo