ANG muling pagpapasigla sa katutubong sayaw ang pokus ng Parada sa Sayaw na bahagi ng Maubanog Festival sa Mauban, Quezon.
Tinaguriang Nilala Folk Dance, orihinal na pamagat hango sa paglala ng buri, na tanyag sa bayang ito.
Ang nasabing sayaw ay kinopya sa iba’t ibang Filipino folk dance, na ang kaibahan lamang ay masigla ang tugtugin na orihinal ding likha.
Pinagsama-samang sayaw na katutubo sa modernong tempo ng tugtog at ang kasuotan ay ibinatay pa rin sa orihinal na disenyo, subalit, may mga palamuti ng hibla ng buri.
Ang props at production design ay mga kagamitan sa paglalala at ang puno ng buri na makulay na ipininta.
Sa panayam kay Mauban Mayor Fernando “Dingdong” Llamas, aniya ay ibinabalik sa kanilang bayan sa pamamagitan ng Maubanog Festival ang kuwento ng paglala, para lubos na maunawaan ng kabataan kung saan nag-umpisa ng nilala na buri, nang sa gayon ay lubusang mabatid ang kasaysayan nito.
Ngayong taon, sinimulang gamitin ang “Nilala Folk Dance” bilang tema ng Maubanog Festival, at para ipanlaban sa mga kumpetisyon na magbibigay karangalan sa bayan.
Sinabi ni Llamas na marami na silang ginamit na tema sa Maubanog Festival, katulad ng lambanog at iba pang mga produktong ani ng bayan, pero tiniyak ni Llamas na piliin ang tema ng “Nilala” at bilang panibagong umpisa.
Ipinakikita sa Nilala Folk Dance ang pagbabalik-tanaw na ang Mauban ay orihinal na galing sa paglalala ng buri.
Sa Parada ng Sayaw, na nilahukan ng mga pribado at pampublikong paaralan ng elementarya at high school, pa lamang nila ipiniprisinta ang kasaysayan ng nilala, bilang pagbibigay-halaga na rin sa produktong buri o nilala na itinalagang One-Town-One-Product ng Mauban.
Sa isang linggong festival na nagsimula noong Hulyo 8 hanggang 15, ay maraming kasayahan ang nilahukan ng mga mamamayan ng Mauban at sinaksihan ng mga turista, lokal man o banyaga, katulad ng Bihisan ng Saya ang Barangay, Karera ng Bangka, Paligsahan ng Pamimingwit, at Paligsahan ng Paglalala at maraming iba pa.
“Pasasalamat sa Poong Maykapal sa Masaganang Ani, Karangalan at tagumpay ng Bawat Anak ng Mauban” ang dalangin ng Maubanin. (DANNY J. ESTACIO)
[gallery ids="182351,182356,182357"]