Kahit alam na labag sa batas, napilitang magtulak ng ilegal na droga ang isang mister para lamang madugtungan ang kanyang buhay dahil sa sakit sa puso.
Naaresto ng mga awtoridad si Ronel Magat, 44, ng Independence Street, Barangay Gen. T. de Leon, Valenzuela City, nitong Sabado ng umaga, pati na rin ang apat niyang kasamahan sa ilegal na gawain.
Ayon kay Magat, napilitan umano siyang magbenta ng shabu para may ipambili ng gamot na iniinom niya ng tatlong beses sa isang araw at ito ay nagkakahalaga ng halos P500 kada piraso.
Wala umanong trabaho si Magat at noong 2015 ay nadiskubre niyang barado ang ugat sa kanyang puso kung kaya’t kailangan niyang uminom ng gamot para mas humaba ang buhay.
Sa pagkakataong ito umentra ang drug pusher na si “Jonathan”, kapitbahay ni Magat, at hinimok si Magat na magbenta ng ilegal na droga kapalit ng P500 kada araw.
Nabatid na kabilang si Jonathan sa drug list ng Valenzuela City Police Station pati na sa District Anti-Illegal Drugs ng Northern Police District at nagmumula pa sa Barangay 160, Baesa, Caloocan City ang ibinebentang shabu.
Ayon kay P/Sr. Inspector Milan Naz, hepe ng Follow-Up Division ng Valenzuela Police, kailanma’y hindi maaaring maging batayan ang pagkakaroon ng sakit para magtulak ng ilegal na droga dahil ito ay labag sa batas. (Orly L. Barcala)