Ni LESLIE ANN AQUINO

Hindi na papayagan ng Commission on Elections (Comelec) ang paglilipat ng mga lokal na botante ng registration records para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 31.

Ito, ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, ay upang maiwasan ang nakasanayan nang paghahakot ng mga kaanak ng mga kandidato sa isang barangay.

“In previous barangay polls, we noticed that this (registration) is being used (by candidates) to pack the barangay with relatives. So, we decided to prohibit it locally,” ani Bautista.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Batay sa Comelec Resolution No. 10148, hindi tatanggapin ang aplikasyon ng paglilipat ng registration records mula sa ibang distrito/lungsod/munisipalidad, at ang paglilipat ng registration records sa kaparehong lungsod o munisipalidad.

Gayunman, papayagan ng Comelec ang paglilipat ng rehistro ng mga botanteng overseas absentee voters (OAV) sa local registry.

Batay sa Resolution No. 10152, sinabi ng Comelec na maaaring mag-apply ang mga overseas voter na nais makaboto sa barangay at SK polls para sa paglilipat ng registration records mula sa overseas Philippine posts patungo sa local registry sa Hulyo 15-30.

Samantala, pinayuhan din ng Comelec ang mga magpaparehistro na maaari nang ma-download ang application form sa website ng poll body.

Maaaring ma-download ang application form sa www.comelec.gov.ph. I-print ito nang tatlong kopya at personal na isumite sa Office of the Election Officers.