HINDI naman pala takot si President Rodrigo Roa Duterte (RRD) sa multo dahil natulog na rin siya sa Malacañang noong Lunes. Kaya lang malungkot daw siya sa pagtulog sa Bahay Pangarap dahil siya ay nag-iisa at hindi kasama sina Honeylet at Kitty. Lubha umanong malaki ang bahay para kay President Rody, ayon kay Presidential spokesman Ernesto Abella.

Nais din daw ng bagong Presidente na palitan ang pangalan ng Bahay Pangarap at gawin itong Bahay ng Pagbabago bilang pag-alinsunod sa kanyang slogan na “change is coming”. Dahil dito, dinunggol ako ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko na muntik nang ikaligwak ng iniinom kong kape: “Baka walang ginawa si PNoy noon kundi mangarap lang sa kanyang Tuwid na Daan at sa paniniwalang hindi siya corrupt habang ang kanyang mga alyado ay abala sa pangungurakot.” 

Sabad naman ni senior-jogger: “Babaguhin daw ito ni President Rody. Tatanggalin ang ‘Pangarap’ at papalitan ng ‘Pagbabago’.”

Tugon ko naman: “Samakatuwid, mula sa pangangarap ay magiging pagbabago. Sana ay magbago na nga ang mga Pinoy at iwasan ang mga hinagap at panaginip, magtrabaho at hindi umasa sa biglang suwerte o lotto.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dagdag pa ni Abella: “He had nobody there with him.” Nalalakihan nga raw si Mang Rody sa Bahay Pangarap eh, wala naman siyang kasama o katabi. Talagang ang comfort zone niya ay ang kanyang ordinaryong tahanan sa Davao City kasama sina Honeylet at bunsong si Kitty. Doon kaya sa malaking bahay sa Malacañang ay nakakulambo pa siya?

Noong Martes, dumalo si RRD sa blessing ng Bahay Pangarap. Sa Instagram ni Christopher “Bong” Go, trusted assistant ng Pangulo, nakalarawan siya na nakatayo sa tabi ng dalawang pari. May hawak siyang kandila. Siya ay naka-white polo shirt, jeans at fluffy slippers. Kahit hindi naniniwala si Mano Digong sa relihiyon, naniniwala naman siya sa Diyos.

Kahit minumura niya ang ilang obispo at tinawag ang Simbahang Katoliko bilang “the most hypocritical institution”, sumusunod naman siya sa mga ritwal nito tulad ng pagbabasbas sa Bahay Pangarap. O baka naman pinabasbasan niya ito upang hindi siya multuhin sa Malacañang?

Sa kabilang dako, pormal nang nanumpa si Vice President Leni Robredo kay President Duterte bilang hepe ng Human and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na may kinalaman sa pagkakaloob ng pabahay (socialized shelter) para sa mga nasa laylayan ng lipunan. Kasama niya ang tatlong anak na babae na nagtungo sa Malacañang. Una rito, dumalo na rin siya sa unang cabinet meeting ng Duterte administration. 

Gayunman, kahit siya ay miyembro ng Gabinete ng machong Pangulo, hindi siya nangimi sa pagtawag ng imbestigasyon sa drug killings ng mga pulis sa iba’t ibang dako ng bansa. Binanggit niya na sapul nang mahalal si Duterte, mahigit nang 100 kaso ng pagpatay ang nangyari laban sa umano’y drug pushers at users. “While we are one with the fight againsit drugs, we are concerned with the growing culture of vigilantism and violence,” pahayag ni beautiful Leni.

Mukhang may malayang pag-iisip at prinsipyo ang babaing bise presidente ng bansa. Mukhang hindi siya sunud-sunuran sa uso o takbo ng mga pangyayari. Hindi ba nais ni ex-President Noynoy Aquino na pangunahan niya ang Liberal Party matapos na ilampaso ng PDP-Laban ang “manok” niyang si Mar Roxas? Sa huling balita, tinanggihan niya ito. 

(Bert de Guzman)