DAVAO CITY – Ipinag-utos ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang pagsibak sa puwesto kay Bureau of Plant and Industry (BPI) Quarantine Service officer-in-charge Andres Alemania, na nakatalaga sa Sasa Port sa lungsod na ito, makaraang makaabot sa kaalaman ng kalihim na humihingi umano ang opisyal at ang grupo nito ng “padulas” mula sa mga nag-e-export ng Cavendish banana.
Sa pahayag kahapon, sinabi ni Piñol na aatasan din niya si BPI acting Director Vivencio Mamaril na palitan ang lahat ng tauhan ng BPI Quarantive Service sa siyudad ngayong Lunes.
Sinabi ni Piñol na batay sa mga reklamo, ang grease money ay umaabot sa P8,000 kada container o P40,000 sa bawat transaksiyon ng exporter.
Nangako naman ang hepe ng DA na magkakaroon ng due process at sisimulan ngayong linggo ang imbestigasyon ng grupo ng graft investigators sa lahat ng opisyal na sangkot sa usapin.
“They will interview the over 200 Cavendish banana exporters who have reportedly been paying the ‘special fees’ to the BPI Quarantine Office for so many years now,” ani Piñol.
“Considering that there are over 200 exporters, not to mention the huge players like Dole Philippines, Sumifru, Tadeco, Uni-Frutti and others, I can just imagine how much these people, granting that the charges are true, have been raking in all these years,” dagdag niya.
Sinabi pa ng kalihim na isasailalim sa lifestyle check ang mga iimbestigahang kawani, at hihilingin niya sa Office of the Ombudsman na magsagawa ito ng opisyal na imbestigasyon at irekomenda ang pagsasampa ng mga kasong graft.
(Antonio L. Colina IV)