170716_Capt.UFUK_lumubog_24_vicoy copy

Nag-umpukan ang mga tao sa Manila Bay sa Roxas Boulevard sa Maynila, kahapon ng umaga ngunit hindi para masilayan ang pagsikat ng araw, kundi para usisain ang lumubog na cargo ship.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commander Armand Balilo, lubog na sa tubig ang three-fourths ng M/V Captain Ufuk dakong 10:30 ng umaga kahapon.

Sinabi ni Balilo, ayon sa pitong crew member ng lumubog na barko, kabilang ang isang Filipino, na kanilang inabandona ang lumubog na barko dakong 9:40 ng gabi nitong Sabado sa dahilang unti-unti nang pinapasukan ng tubig ang barko.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“Tinry pa nila na tanggalin ‘yung tubig pero ‘di na nila kinaya,” sambit ni Balilo.

Ayon pa kay Balilo, base sa salaysay ng mga crew, maaaring may nasirang pipelines dahilan upang pasukin ng tubig ang barko hanggang sa tuluyang lumubog. Kasalukuyan itong iniimbestigahan ng PCG.

“Ang report ng crew, baka may nasira daw na pipes tapos doon pumasok ‘yung tubig.” Ani Balilo.

Matapos magsagawa ng inisyal na inspeksiyon, sinabi ng PCG na walang tumagas na langis mula sa barko.

Nakikipagtulungan na umano, ayon kay Balilo, ang PCG sa Bureau of Customs (BoC) upang maialis agad ang barko sa kinalalagyan nito.

“Before hindi naman siya delikado kasi may tao naman sa vessel, ngayon nalang siya naging delikado para sa mga naglalayag dahil sa kalagayan niya.” Paliwanag ni Balilo.

Samantala, sinabi ni Balilo na ang M/V Captain Ufuk, na nagtungo sa Pilipinas mula Indonesia, ay nahulihan na ng PCG at BoC sa Bataan noong Agosto 2009 ng matataas na kalibre ng baril.

“’Yan lang ang alam kong nag-iisang vessel na may ganyang situation na naiwan sa Manila Bay. Under custody siya ng Customs kaya iniwan lang siya doon. Hindi siya pwedeng gamitin kasi involved siya sa isang case,” diin ni Balilo.

(ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at BETH CAMIA)