RIO DE JANEIRO (AP)— Hindi Zika virus, kundi ang kawalan ng mapagwawagiang pera ang dahilan sa pag-atras ng mga world rated player, kabilang ang ”Big Four” ng Professional Golf Association (PGA) sa Olympics, ayon sa opisyal ng Rio de Janeiro Olympics Organizing Committee.

“They tried to blame Zika, but the media have shown that they are not coming because there’s no prize money,” pahayag ni Rio organizing committee President Carlos Nuzman nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Tahasang ipinahayag ni Nuzman ang kawalan ng pagpapahalaga sa ”sportsmanship” ng mga premyadong golf player, may tatlong linggo bago ang opening day ng quadrennial Games.

Nakatakda ang Olympics sa Agosto 5-21.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Tuluyang nawala ang ningning ng golf event – lalaruin sa Olympics sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 1904 – nang ipahayag ni world No.3 Jordan Spieth na hindi rin siya lalaro dahil sa pangambang madapuan ng karamdaman dulot ng Zika virus.

Nauna rito, ipinahayag din nina world No.1 Fil-Australian Jason Day, No.2 Dustin Johnson, at No.4 Rory McIlroy ang kanilang pag-atras sa Olympic dahil sa Zika virus.

Kabilang ang Brazil sa talaan ng World Health Organization (WHO) na nakapagtala ng mataas na bilang ng kaso ng Zika virus sa mga bansa sa Central America. Batay sa medical bulletin, ang Zika ay itinuturong dahilan sa pagkakaroon ng depekto sa laki ng ulo at utak ng isang sanggol.

Ngunit, walang inilabas na pahayag ang WHO para ipatigil o ilipat sa ibang bansa ang pagdaraos ng Olympics.

Ang pag-atras ng mga pangunahing player ay inaasahang magdudulot ng epekto sa kinabukasan ng sports sa Olympics.

Ayon kay International Olympic Committee (IOC) President Thomas Bach, ang katayuan ng golf bilang regular sports sa Olympics ay mapagtatanto lamang sa paglahok ng mga pangunahing player sa sports.

Malaki pa rin ang tsansa ng golf na mapabilang sa event sa Tokyo Olympics sa 2020, ngunit walang kasiguruhan na mananatili pa ito sa mga susunod na edisyon ng tinaguriang ”Greatest Show” sa mundo.

“Zika is much worse in Florida than in Brazil, and golfers are playing in Florida,” pahayag ni Nuzman.

Idinahilan din ng mga player ang seguridad sa Rio, gayundin ang direktang pagkakasabay nito sa mga torneo sa PGA Tour.

Sa nakalipas na buwan, malaking isyu na pilit na inaayos ng Rio ang suliranin sa Zika, seguridad, maduming katubigan at mababang benta ng tiket sa takilya.